NEWS
Marcos na naman ang kokondenahin sa malawakang paggunita ng People Power Revolution

Photo from malaymail
2/10/26, 10:59 AM
Ni Ralph Cedric Edralin
Isinagawa 40 taon nang nakaraan upang patralsikin ang noog ay Pangulong Ferdinand E. Marcos dahil sa talamak na korapsyon, muling kokondenahin ng mga mamamayan ang dating problemang ito sa gagawing malaking anti-corruption rally bilang paggunita ng EDSA People Power Revolution sa Pebrero 25.
Ang administrasyon ni kasalukuyang Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. naman ang puntirya ng mga demonstrador na nangangalit dahil sa malawakang anomalya sa flood control, pork barrel insertions at iba pang mga iskandalong nauugnay sa nakawan sa pamahalaan.
`Ayon kay Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) Secretary General Mong Palatino magkakaroon ng malawakang mobilisasyon ng mga lalahok ngunit naniniwala ang mga lider ng protesta na kusang loob na darating ang maraming Pilipinong namumuhi sa nakawan ng pampublikong pondo.
Dahil sa inaasahang malaking rally, inihahanda na ng Philippine National Police ang pag-talaga ng 14,000 security force upang mapangalagaan ang kaayusan at seguridad sa may EDSA shrine sa Quezon City.
Sinabi ni Palatino na ang demonstrasyon ay magsisilbing paalala na bagamat napatalsik ang ama ng pangulo, patuloy pa rin nananaig ang “rotten political system” sa bansa.
Dagdag pa ni Palatino na dapat asahan na ang pagkondena kina Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte sa kanilang patuloy na pag-iwas nilang panagutan ang korapsyon sa budget.
Kapwa kinasuhan ng impeachment sina Marcos at Duterte ngunit inaasahan na ibabasura na ng Mababang Kapulungan ang dalawang kasong inihain kay Marcos dahil sa laki ng numero ng kanyang mga kaalyado sa Kamara.
Kabaligtaran naman ang inaasahang haharapin ni Duterte na mayroon nang haharaping tatlong impeachment cases.
