NEWS
Marcos itinutulak pagbuwag ng travel tax, pagsabatas ng anti-political dynasty bill

Photo from PhilStar Global
2/10/26, 9:26 AM
Ni Samantha Faith Sabado
Hiniling ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Kongreso na bigyan prayoridad ang pagbuwag ng travel tax at pagpasa ng anti-political dynasty law bago magsara ang unang sesyon ng 20th Congress.
Bukod sa dalawang bills, ipinapapasa rin ni Marcos ang 19 pang panukalang batas na inaasahang makapagpapaunlad ng buhay ng mga mamamayan.
Sa ikatlong Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC) meeting sa Malacanang nitong Martes (Pebrero 10), tinukoy ng punong ehekutibo ang 21 priority bills para sa konsiderasyon ng Kamara at ng Senado.
“Kanina ang napag-usapan lang nila kung ano ang maitutulong nito sa ekonomiya… Nakita ng Pangulo na mas makakagaan ito sa mga turista sa mga nagbibiyahe,” paliwanag ni Communications Undersecretary Clair Castro sa isang Palace briefing.
Tinutukoy niya ang pag-abolish sa travel tax.
“Batid ng Pangulo na ang nagbibiyahe hindi lang para sa mamasyal pero sa trabaho at negosyo,” dagdag niya.
Sa kasalukuyang batas sinisingil ng pamahalaan ang lahat ng pasahero bumibiyahe sa first class ng PhP 2,700 samantalang PhP 1,620 naman para sa mga sumasakay sa economy.
Kalahati ng nakokolektang travel tax ay nagiging pondo ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority para sa mga proyektong makapagpapabuti ng mga imprastrukturang para sa tourism industry.
Ang 40 porsiyento naman ay para sa education assistance programs at 10 porsiyento ang ginagamit para sa promosyon ng kultura.
