NEWS
Marcos: Walang magugutom sa 'Bagong Pilipinas'

2/5/24, 12:05 PM
Ni MJ Blancaflor
Nangako si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na walang Pinoy na magugutom sa "Bagong Pilipinas" lalo pa't palalakasin daw ng kanyang administrasyon ang sektor ng agrikultura.
"Ang ating pagtutulungan na mapaunlad ang ating sektor ng agrikultura ay isa lamang sa mga pangunahing hakbang tungo sa pagbuo ng isang Bagong Pilipinas — kung saan walang nagugutom," ani Marcos sa kanyang talumpati noong Sabado, Pebrero 3.
Binitawan iyan ng Pangulo sa ceremonial palay harvesting at distribution ng iba't ibang ayuda sa mga magsasaka sa Candaba, Pampanga.
Sa nasabing seremonya, tiniyak din ng Punong Ehekutibo na mayroon nang modernong kagamitan at sapat na ayuda ang pamahalaan sa mga magsasaka.
Dagdag pa ni Marcos, mabibigyan din ng de-kalidad na binhi o punla para tumaas ang kanilang kita.
Kinilala din niya ang mga magsasaka para sa kanilang pagsisikap at dedikasyon na nagresulta sa pagtaas ng produksyon ng palay sa Pilipinas noong 2023.
"Ang inyong dedikasyon, sakripisyo at sipag ay tunay na nagsisilbing inspirasyon sa ating lahat," sabi ni Marcos.
"Ang inyong mga kamay — na masigasig na nagbubungkal ng lupang inyong sinasaka – ang siyang nagbibigay ng buhay at sigla sa ating sambayanan," saad pa niya.
