NEWS
Mandatory drugs test every 90 days para sa mga PUV drivers ipinagutos

5/5/25, 5:22 AM
Ni Ralph Cedric Rosario
Dahil sa sunod-sunod na aksidenteng naging sanhi ng pagkamatay ng maraming indibidwal, lahat ng drayber ng mga public utility vehicles (PUV) ay dapat nang magpa-drug test tuwing 90 araw.
Ito ang inutos ni Transportation Secretary Vince Dizon bilang hakbang sa pangangalaga ng kaligtasan ng publiko sa kalsada.
Sa isang pulong balitaan nitong Lunes (May 5), ipinahayag ni Dizon na isang department order ang kanyang pipirmahan na naglalayong gawin requirement sa lahat ng PUV driver na sila ay magpa-drug test upang masiguro na wala sa kanila ang gumagamit o lulong sa ipinagbabawal na gamot.
Ayon kay Dizon inisip niya ang hakbang na ito matapos na marinig ang pagkamatay ng sampung katao matapos na araruhin ang kanilang mga sinasakyan ng isang Solid North bus sa Subic-Clar-Tarlac Expressway toll plaza.
Bukod sa 10 namatay, 30 naman ang nasugatan dahil sa pangyayari.
Noong nakaraan araw, isa naman SUV ang biglaang sumagasa sa mga taong naghihintay ng sasalubungin sa NAIA Terminal I. Dalawa ang nasawi at marami rin ang nasugatan.
“The system is broken, we have to admit that. We have to fix it… I will make specific announcements today for the government to begin fixing the broken system. I will sign a memorandum requiring mandatory drug testing for all PUV drivers,” sinabi ni Dizon.
Dagdag niya: “DOTr will be working with PDEA (Philippine Drug Enforcement Agency) to implement mandatory drug testing. I was absolutely furious when I heard on the news that the driver from Solid North refused to take a drug test… he has no choice.”
Bukod dito inutusan din ng DOTr secretary ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na bawasan ang oras ng PUV driver sa pagmamaneho ng walang pahinga. Lilimitahan ito ng apat na oras.
Sinuspinde na ng DOTr ang operasyon ng Solid North sa loob ng 30 araw.
