NEWS
Mahihirap ‘binaboy’ ni Duterte sa Senado - ina ng dalawang drug war victims

Photo from Inquirer
11/2/24, 2:56 AM
Nagngingitngit ang isang inang namatayan ng dalawang anak sa madugong drug war nang muling “babuyin’ umano ni Pangulo Rodrigo Duterte ang pagkatao nila at ng mga mahihirap na Filipino sa pagharap nito sa Senado.
Sa isang press conference, sinabi ni Llore Pasco ng San Mateo na nakadama ang kanilang pamilya ng pang-iinsulto mula kay Duterte sa kabila ng patuloy na pait na nadarama dahil sa pagpaslang ng kaniya dalawang anak noong pinangunahan ng dating pangulo ang drug war.
Ang mga anak ni Pasco ay dalawa lamang sa higit na 6,000 katao pinatay matapos na mag-utos si Duterte ng mabagsik na kampanya laban sa droga simula 2016.
Patuloy na nakikibaka ang pamilya Pasco para mabigyan hustisya ang pagkamatay ng mga anak ni Llore na sina Crisanto at Juan Carlos noong Mayo, 2017.
Sa kanyang pagharap sa sub-committee ng Blue Ribbon Committee ng Senado dinepensahan ni Duterte ang madugong kampanya at umamin pa ito, sa gitna ng pagmumura, na totoong may death squad na kumitil ng buhay ng mga nasasangkot sa droga noon.
Hindi nakitaan ng pagsisisi ang dating pangulo na tila nagmalaki pa sa mga nangyaring patayan na bumiktima sa mga hinihinalang sangkot sa droga. Marami sa mga pinaslang ay mga inosente at menor na edad tulad ni Kian de los Santos.
“Mistulang mga hayop lamang ang tingin niya sa mga mahihirap na pinagmalupitan noong panahong siya ay pangulo,” sinabi ni Pasco.
Dagdag ng nagdadalamhating ina: “Wala siyang pag-aalala, wala siyang awa sa mga kapuspalad. Sa paningin niya, mga wala kaming kwentang mga tao.”
Kinondena ni Pasco si Duterte sa patuloy na paggiit na tama ang ginawang pagpaslang at hindi pagbibigay ng pagkakataon sa mga tao na maipagtanggol ang mga sarili sa harap ng hukuman.
Kasama ang pamilya Pasco sa 312 na mga mag-anak na naghahanap ng katarungan para sa mga pinatay na mahal sa buhay noong Duterte drug war. Sila ay mga kasapi ng Rise UP for LIfe and Rights, isang alyansa ng simbahan na tumutulong sa mga naulila ng mga biktima ng digmaan kontra droga.
