NEWS
Lumang school calendar nais ibalik ni PBBM sa susunod na taon
.jpg)
5/7/24, 10:53 AM
Nais ipabalik ni Pangulong Bongbong Marcos ang dating school calendar sa susunod na taon para maiwasan umano ang madalas na kanselasyon ng klase dahil sa El Niño phenomenon.
Sa isang interview nitong Lunes, sinabi ng Punong Ehekutibo na hiniling na niya kay Vice President at Department of Education (DepEd) Secretary Sara Duterte na maghanda ng konkretong plano ukol sa paglipat sa lumang school calendar.
"Of course, hiningi ko yan sa DepEd and I asked Inday Sara to give me already a concrete plan because mukha naman hindi na tayo kailangan mag-antay pa at mukha namang kailangan na, at I don't see any objections really from anyone, especially with the El Niño being what it is," anang Pangulo.
"I think it would be better for the kids," dagdag niya.
Nitong mga nakaraang linggo ay nagsuspinde ng face-to-face classes ang maraming paaralan sa bansa mula elementarya hanggang kolehiyo para protektahan ang mga kabataan mula sa matinding init ng panahon.
Nag-shift na ang mga ito sa online classes.
Samantala, nauna nang sinabi ng DepEd na pinag-aaralan na nila ang pagbabalik ng school opening sa Hunyo, mula Agosto.
