NEWS
LTFRB tiniyak na sapat ang sasakyan sa Pebrero

1/22/24, 9:00 AM
Ni MJ Blancaflor
Kumpyansa ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na may sapat na masasakyan ang mga komyuter sa Pebrero kung kailan hindi na papayagan sa kalsada ang mga pampasaherong jeep na hindi nakapag-consolidate ng prangkisa.
May agam-agam ang ilan na magkukulang ang masasakyan lalo sa Metro Manila kapag may mga jeep na hindi na mamamasada habang ipinatutupad ang PUV modernization program.
Ang mga jeep na hindi nakapag-consolidate ay idedeklarang kolorum simula Pebrero 1.
Sa panayam sa CNN Philippines noong Lunes, siniguro ni LTFRB Chairman Teofilo Guadiz na nakahanda ang ahensya na mag-deploy ng "rescue vehicles" sa mga rutang kulang ang sasakyan.
Handa rin daw ang ahensya na magpataw ng special permits sa unconsolidated jeeps upang tugunan ang demand ng mga pasahero.
"In one route, we only look into the jeepneys, but remember in a certain route, there are buses, there are UVs, there are tricycles, there are TNVS going on those routes," dagdag pa ni Guadiz.
Tuluy-tuloy din daw ang koordinasyon ng LTFRB sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at mga lokal na pamahalaan para paghandaan ang magiging sitwasyon sa Metro Manila pagsapit ng Pebrero.
Kabilang sa mga pinag-uusapan ang pagbibigay ng libreng sakay sakali mang may mga ma-stranded na pasahero.
Samantala, ang mga drayber na mawawalan ng trabaho dahil sa PUV modernization program ay maaari raw makipag-ugnayan sa Technical Education And Skills Development Authority (TESDA) at Department of Labor and Employment (DOLE).
"We have the social program of the government for those who do not really want to join the program," ani Guadiz.
"We have programs for TESDA and DOLE would be giving them employment 'yung ayaw magnegosyo," sabi niya pa.
