top of page
Flag.gif
  • Facebook
  • X
  • Instagram

NEWS

Kulang pa ang ibinalik na pera ng mga korap sa DPWH

Photo attachment: images.jpeg

4/6/26, 11:15 AM

Ni Tracy Cabrera

PORT AREA, Maynila — Mahigit kalahating bilyon ang isinauli nina dating Department of Public Works and Highways (DPWH) undersecretary Roberto Bernando at dating DPWH Bulacan District engineer Henry Alcantara at ngayo'y sadyang kinakapos na ang ating pamahalaan sa pagbigay ng ayuda sa mga sektor na tinamaan ng husto ng umiiral na krisis sa enerhiya.

Sa kabila ng pag-aktong mga Santo at inosenteng walang kasalanan, sangkot sina Bernardo at Alcantara sa daan-bilyong pisong anomalya sa mga flood control project na kanilang ipinatupad at lumitaw na alin man sa 'ghost' project o kaya'y substandard ang pagkakagawa.

Ayon sa ilang kontratistang nakakakilala sa dalawang opisyal, mistulang walang bahid ng korapsyon ang ipinakita nila noong nakapuwesto pa bilang mga opisyal ng DPWH subalit nang nagkabukingan na'y umaarte naman ang mga ito na para bang kinakawawa sila.

"Sabi niyang si Bernardo, wala daw siya" ang mga anomalya o kickback dahil sa suweldo lang daw siya umaasa. Pero 'yon pala bilyun-bilyong piso ang nakatago sa kanyang condominium!" hindi makapaniwalang pahayag ng may-ari ng isang private contracting firm.

Reaksyon naman ng publiko sa isinauling mahigit ₱600 milyon nina Bernardo at Alcantara, mas dapat pa umanong lumaki ito dahil ctiyak na hindi lamang ang dalawang opisyal ng DPWH ang kailangang magbalik ng kanilang kinulimbat na pera mula sa kaban ng bayan.

Batay sa datos na nakalap ng Independent Commission for Infrastructure (ICI), aabot sa daan-daang bilyong piso ang ninakaw ng mga korap na opisyal ng DPWH kaya kapag isinauli kahit kalahati man lang nito'y hindi na mahihirapan ang gobyerno para mapondohan ang ayuda at subsidiya na ipapamahagi sa mamamayan.

Samantala, sa halip na patulugin lang sa treasury ng gobyerno ang daan-daang milyong pisong isinauli ng mga sangkot sa iskandalo ng mga flood control project, mas mainam na gamitin na lamang ito na dagdag sa ayuda ng mga apektadong sektor sa krisis na kinakaharap ngayon ng bansa.

Ito ang iminungkahi ni Akbayan party-list representative Jose Manuel Tadeo 'Chel' Diokno dahil sa kasalukuyan ay sadyang kulang ang ayudang natatanggap at hindi lahat ng public utility vehicle (PUV) driver at operator ang naambunan ng tulong pinansiyal mula sa gobyerno.

Ayon kay Diokno, “may ₱611 milyon na ang naibalik mula sa maanomalyang flood control funds kaya ang naging suhestyon niya'y ilagak ang nabawing pera para sa pamamahagi ng subsidiya sa mga apektadong sektor.

"Bakit hindi ito gamitin para sa agarang crisis response? Sa gitna ng taas-presyo, isa sa puwedeng pondohan dito ang service contracting para sa pampublikong transportasyon,” pinunto ng beteranong abogado at chairman ng Bantayog ng mga Bayani Foundation.

Ang nasabing halaga ay ibinalik ng mga sangkot sa flood control projects anomaly tulad nina dating Public Works and Highways (DPWH) undersecretary Roberto Bernando at dating DPWH Bulacan District engineer Henry Alcantara.

Batay sa ulat ng Department of Justice (DoJ), mahigit sa P290 milyon ang ibinalik ni Bernardo habang P110 milyon naman ang isinauli ni Alcantara. Ang natitirang P611 milyon ay mula naman sa iba pang sangkot sa nabanggit na anomalya.

Ikinatuwiran ni Diokno na ang perang ibinalik ay pera ng taongbayan na dapat gamitin, lalo na ngayong nasa gitna ng krisis ang bansa sanhi ng giyera sa Gitnang Silangan.

Comments

Share Your ThoughtsBe the first to write a comment.
bottom of page