NEWS
Korte ipinagutos pagdampot sa 29 pulis sa ma-anomalyang PHP6.7 shabu bust

1/15/25, 11:53 AM
Ni Samantha Faith Flores
May 29 na aktibo at dating pulis ang ipinadadampot ng isang korte sa Manila dahil sa iba’t-ibang kaso konektado sa hinihinalang paghulog sa kaso ng PHP6.7 bilyon drug bust noong Oktubre 2022 sa Maynila.
Ipinalabas ni Manila Regional Trial Court Judge Gwyn Calina ang warrants of arrest laban sa pitong pulis na tanggal na sa serbisyo at 22 na nasa active service pa. . Ang utos ay ipinalabas noong Enero 14.
Sa direktiba ni Judge Gwyn, pinaalalahanan nito ang mga huhuli sa mga akusado na magsuot ng kahit isang “body-worn camera and one alternative recording devices” sang-ayon sa 2021 resolution ng Korte Suprema.
Itinakda ng korte sa PHP200,000 ang piyansa ng bawat isa sa 29 na pinadarakip.
Ang mga ipinadarakip ay sumabit sa drug case at hinihinalang nagkasala sa pagtatanim ng ebidensya, pagka-antala at hindi wastong paghawak ng kaso ukol sa PHP6.7 bilyon drug bust.
Samantala, inutusan ni PNP chief Gen. Rommerl Francisco Marbil ang pagbuo ng isang Task Force na magsisiguro ng mabilisan pag-aresto sa mga PNP personnel.
Sa kanyang pahayag, sinabi ni Marbil na sasampahan rin ng mga kasong administratibo ang mga pulis na nasa active service pa. Sisiguruhin din ng PNP na mapaparusahan ang mga ito kapag napatunayang nagkasala.
“There will be no mercy when it comes to wrongdoings committed by our personnel. This decisive action demonstrates our commitment to eradicating corruption and maintaining public trust in the PNP,” sabi ni Marbil.
Ayon sa imbestigasyon may 42 kilo ng shabu ang nawawala sa imbentaryo ng 99 na kilo na shabu na kinumpiska ng mga pulis sa isang raid na ginanap sa Tondo, Maynila noong 2022.
