NEWS
Kongresistang anak ni Sen. Tulfo lumabag din sa EDSA busway ban

Photo from Abante
1/28/25, 12:20 PM
Ilang buwan lamang matapos na kondenahin ang pagpasok sa EDSA busway ng sasakyang may protocol plate “7”, si Senador Raffy Tulfo naman ngayon ang nagkaproblema nang mahuli ang kongresistang anak na lumabag sa parehong batas trapiko.
Nahuli ang sasakyan na sinasakyan ni Quezon City 2nd District Rep. Ralph Wendel Tulfo dahil sa pagpasok sa EDSA busway na mahigpit ipinagbabawal para sa anuman uri ng sasakyan na hindi pampasaherong bus na may biyaheng EDSA.
Ayon kay Sen. Tulfo pinagalitan niya ang kanyang anak dahil sa kanyang ginawa at agad naman umanong humingi ng tawad ang bata.
Ipinaliwanag niya na ang nahuling sports utility vehicle sa EDSA busway ay kasama sa convoy ng kanyang anak.
“Sa pagkakaalam ko… nagmamadali siya. Iyong driver niya yata ang pumasok doon sa bus stop. At pinagalitan ko siya, pinagsabihan ko,” paliwanag ng senador.
Sa isang report ng Special Action and Intelligence Commitee for Transportatioin ng Department of Transportation, napag-alaman na nahuli ang isang convoy na konektado kay Rep. Tulfo noong Enero 23 dahil sa paggamit nito ng EDSA busway.
Hindi naman pinangalanan ng SAICT ang nasangkot na mambabatas.
Matatandaang si Sen. Tulfo ang isa sa mga pangunahing pulitiko na kumondena sa may-ari ng isang SUV na may protocol plate na “7” nang mahuli ito na dumaan sa EDSA busway noong Nobyembre 2024.
Iminungkahi niya ang imbestigasyon sa insidente na kalaunan ay napag-alamang konektado sa kumpanya ng pamilya ni Sen. Sherwin Gatchalian.
Idiniin niya na dapat managot sa batas ang may-ari ng lumabag na sasakyan.
Matatandaang, muntik pang masagasaan ang isang traffic enforcer ng driver ng SUV nang takasan nito ang mga humuhuli sa kanya.
