NEWS
Joe Biden hindi aatras sa eleksyon sa kabila ng mga panawagan

7/8/24, 9:29 AM
Nanindigan si US President Joe Biden na hindi siya aatras sa pampanguluhang eleksyon sa kabila ng panawagan ng ilang Democrats na bumitaw na siya matapos ang ilang "pagkakamali" sa katatapos lang na debate.
Nakaharap ni Biden si Republican candidate at dating pangulong Donald Trump noong nakaraang linggo, kung saan makailang ulit siyang tumigil sa pagsasalita na para bang nakalimutan ang mga susunod niyang sasabihin.
"I'm not going anywhere," sabi ni Biden sa isang pagtitipon sa White House kaugnay ng July 4 Independence Day sa US, ayon na rin sa ulat ng foreign media.
Tatlong Democrats na ang nanawagan sa 81-anyos na pangulo na magbigay-daan na sa iba pang maaaring maging kinatawan ng kanilang partido.
Ito rin ang panawagan ni Abigail Disney, apo ni Walt Disney at isa sa mga pangunahing donor ng Democrat Party, at sinabing ihihinto niya ang donasyon hanggat hindi umaatras si Biden sa kanyang re-election bid.
"Biden is a good man and has served his country admirably, but the stakes are far too high," anang negosyante sa isang panayam sa CNBC.
"If Biden does not step down, the Democrats will lose. Of that I am absolutely certain. The consequences for the loss will be genuinely dire," dagdag niya.
Napaulat na inamin ni Biden sa ilang Democrat governors na kailangan niyang magpahinga at magkaroon ng sapat na tulog kahit pa sa gitna ng kampanya.
Dapat din daw ay limitahan ang kanyang public appearances.
Nakatakda ang US elections sa Nobyembre 5.
