NEWS
Jaclyn Jose nai-cremate na; burol star-studded

3/5/24, 1:05 PM
NI MJ Blancaflor
Nai-cremate na ang labi ng namayapang aktres na si Jaclyn Jose at dinaluhan ng mga malalaking pangalan sa showbiz ang unang gabi ng burol niya.
Naispatan sina Christopher De Leon, Tirso Cruz III, Lorna Tolentino, Claudine Barretto, Sylvia Sanchez, Amy Austria, Sandy Andolong, at Isabel Rivas sa lamay ng aktres.
Present din sina Alden Richards, Ivana Alawi, direktor Adolfo Alix Jr., at film producer Jo Macasa na nakatrabaho ni Jaclyn sa industriya.
Naroroon din ang ilang kaanak niyang sina Gabby Eigenmann, Sid Lucero, Ryan Eigenmann, Max Eigenmann, Michael de Mesa, Eddie Mesa, at Rosemarie Gil.
Isa rin ang aktor na si Jake Ejercito at anak na si Ellie sa mga unang bumisita sa labi ng namayapang aktres.
Si Ellie ay apo ni Jaclyn sa anak na si Andi Eigenmann.
Hindi pa bukas sa publiko ang burol ni Jaclyn, na inatake sa puso noong Sabado, Marso 2.
Sa social media, nag-post din ng madamdaming mensahe ang ilang artista at nagpasalamat sa lahat ng mga aral na ibinahagi ni Jaclyn sa kanila.
Sey ni Gladys Reyes, "Ate Jane @jaclynjose, nakakagulat naman, binigla mo kaming lahat 😢 ang dami nating pinagsamahan, simula 9 years old ako sa Lovingly Yours Helen hanggang dito sa huling movie natin na Apag, di ka nagbago sakin."
"Salamat sa mga tips, pag-alaga mo sakin na parang ate kita talaga. Nabawasan na naman ng isang magaling at de kalibreng aktor ang industriya. Mamimiss namin ang nag-iisang Jaclyn Jose," dagdag nito.
Isa rin si Dimples Romana sa mga nagluluksa sa pagpanaw ni Jaclyn, na nakasama niya sa pelikulang "Minsan May Isang Puso."
"Lost another true icon," ani Dimples sa Instagram. "Tita Jane, I remember all the laughter, the lessons you generously taught me as a young actor back when we were shooting this movie in 2001 and for our 'May Minamahal' remake. Mahal kita at laging yayakap nang mahigpit. You will never be forgotten."
Ipinagpasalamat din ni Ice Seguerra ang lahat ng naitulong ni Jaclyn sa kanya at partner niyang si Liza Diño, na dating naging chairperson ng Film Development Council of the Philippines.
"Hindi ako makapaniwala. Maraming salamat sa pagmamahal mo kay Liza. Lagi mo siyang sinusuportahan nung nasa FDCP at pinagtatanggol nung wala na siya. Thank you for your kindness. Sobrang nakakalungkot," post ni Ice sa Instagram.
"Nakikiramay ako sa pamilya at sa lahat nang nagmamahal sa nag-iisang Jaclyn Jose. Napakalaking kawalan sa buong industriya."
Binalikan naman ng talent manager-vlogger Ogie Diaz ang huling interbyu niya sa aktres. Aniya, bukod sa pagiging magaling na artista ay isa raw itong mabuting ina.
"Bago natin ginawa ang interbyung ito, di ko makakalimutan ang mga kwento mo ng hinanakit sa buhay, pero hangga’t maaari ay tinatapatan mo na lang yon ng pang-unawa at pagtanggap na nangyayari talaga ang iyong mga tanong," kwento ni Ogie.
"At doon lumulutang ang iyong pagiging mapagmahal na ina. At humanga ako sa yo."
