NEWS
Inang nanganak at umabandona ng sanggol sa CR ng gasolinahan arestado

2/13/24, 12:00 PM
Natunton at nadakip ng pulisya ang babaeng nagsilang ng sanggol at inabandona ang anak sa palikuran ng isang gasolinahan sa Quezon City noong nakaraang Biyernes (Pebrero 9).
Inaresto rin ng mga awtoridad ang mga magulang ng babae sa hinalang kasabwat sila sa krimen na ginawa ng anak.
Hindi pa pinangalanan ang mga suspek na nahaharap sa kasong frustrated infanticide at child abuse.
Natunton ang pamilya sa Antipolo, Rizal matapos na makuha sa Land Transportation Office ang rehistro ng sasakyang ginamit ng suspek na ina nang iwan niya ang kanyang sanggol sa isang gasolinahan sa may Kalayaan Avenue, QC.
Nahagip sa CCTV ang ginamit na sasakyan ng suspek para takasan ang sanggol. Ang plaka nito ay nakuha ng mga imbestigator at ito ang nagsilbing clue upang matunton at mahuli ang mag-iina.
Ang sasakyan ay naka-rehistro sa pangalan ng ama ng babae.
Ayon sa paunang imbestigasyon, nakita sa CCTV na bumaba ang babaeng buntis at nagtungo sa palikuran ng gasoline station. Maya-maya pa ay nakita na lang siyang lumalabas sa kubeta at tila wala nang umbok sa tiyan.
Natagpuan ang sanggol ng isang customer na babae na gumamit ng comfort room makalipas ang ilang minuto na makatakas ang ina ng bata.
Binusalan umano ng nanay ang bibig ng anak upang hindi marinig ang pag-iyak nito.
