NEWS
Ina nilamon ng sawa sa Indonesia, ikalawang biktima sa loob ng isang buwan
.jpg)
7/9/24, 11:33 AM
Isang buwan matapos matagpuan ang patay na babae sa tiyan ng isang sawa (reticulated python) sa Indonesia, isang nawawalang ina naman ang nadiskubreng patay matapos na lamunin ng malaking sawa sa probinsya ng South Sulawesi.
Isang linggo nang nawawala ang 36-taong gulang na si Siriati na bibili lang sana ng gamot para sa maysakit na anak bago natagpuan ang kanyang mga labi sa hiniwang tiyan ng sawa.
Nalaman ang ginawang krimen ng sawa nang makita ng asawa ni Siriati na si Adiansa, 30, ang kanyang mga tsinelas at pantalon na sa lupa may 500 metro mula sa kanilang bahay sa Siteba village, South Sulawesi noong Linggo.
Matapos nito ay nakita niya ang ahas mga sampung metro mula sa kanyang daraanan.
Ayon sa hepe ng pulisya na si Idul, buhay pa ang malahiganteng sawa.
Tinawag umano ni Adiansa ang pansin ng mga kapitbahay nang mapansin niya ang napakalaking tiyan ng python na mabagal sa paggapang.
Napagpasiyahan ng mga mamamayan na hiwain ang tiyan ng sawa at dito na nga bumulaga ang buo pa ngunit wala nang buhay na katawan ni Siriati.
Ang paglamon kay Siriati ay nangyari halos isang buwan matapos na makita sa tiyan ng isang sawa ang isang patay na babae sa hindi kalayuang distrito kung saan napatay si Siriati.
Ayon sa mga awtoridad sa Indonesia pambihira naman ang ganitong pangyayari ngunit marami na rin kinaing mga tao ang mga dambuhalang sawa sa mga nakaraang taon.
Noong isang taon isang walong metrong python ang pinatay ng mga tao nang makita itong nililingkis at kinakain ang isa sa mga magsasaka.
Nailathala rin noong 2022 ang pagkain ng sawa sa isang babae sa Jambi province. Sinapit din ng isang 54 anyos na babae ang kalunos-lunos na karanasan noong 2018 sa bayan ng Muna sa Southeast Sulawesi.
Isang taon bago mangyari ito, isa namang lalaking magsasaka ang nilamon ng buong-buo ng isang apat ne metrong sawa sa West Sulawesi. Nakuhanan ng video ang pagkadiskubre ng patay nang magsasaka matapos na hiwain ang tiyan ng salarin.
