NEWS
House inquiry hiniling ukol sa pagwaldas ng PHP2.6-bilyon ibinayad para sa commitment fees

2/3/25, 8:27 AM
Ni Samantha Faith Flores
Bilyon-bilyong pisong pondo ng pamahalaan ang winawaldas sa pagbabayad ng commitment fees para sa foreign loans na inilaan ng mga foreign lenders ngunit hindi kinukuha ng gobyerno.
Ito ay ayon kay CIBAC Partylist Rep. Bro. Eddie Villanueva na nanawagan ng masusing legislative inquiry, in aid legislation, sa nasabing isyu na ibinunyag kailan lamang ng Commission on Audit.
Sa House Resolution No. 2215, nagpanukala si Villanueva ng imbestigasyon sa patuloy na pagbabayad ng pamahalaan ng mga commitment fees dahil sa pagkakabalam ng implementasyon ng mga proyekto ng gobyerno na pinopondohan ng foreign loans.
Ayon sa iba’t-ibang audit report ng COA malaking halaga na ang ginagastos ng pamahalaan dahil sa pagka-antala sa pagkuha ng foreign loans. Hindi naman nakukuha sa napagkasunduang oras ang mga inihanda nang loans ng foreign lenders dahil sa naaantala o hindi pa nauumpisahan ang mga proyekto na paglalaanan ng pondo.
Dahil dito sinisingil ng mga foreign lenders ang pamahalaan dahil sa hindi nito paggamit ng pondong nakalaan para sa mga proyekto.
Ayon sa National Economic Development Authority (NEDA) nakapaglabas na ang pamahalaan ng “multang commitment fees” sa halagang US$48.9 million o PHP2.6 bilyon mula 2014-2023 para sa higit sa 40 foreign-assisted projects ng iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan.
"Essentially, we are wasting billions of pesos on loans that remain unused. This is a painful irony considering that millions of Filipinos lack access to quality public services. Ang masakit dito, nagbabayad tayo para sa perang inutang na hindi natin nagagamit,” paliwanag ni Villanueva.
Idiniin ng kongresista na dahil ang pagkakautang ng bansa ay lumagpas na sa PHP13 trilyon, dapat nang gawin strikto ang pangangasiwa ng paggamit ng foreign loans.
Dapat nang higpitan ng Kongreso ang pagsuri ng mga polisiya na sinusunod sa paggamit ng foreign loans. Nararapat na rin usisain ang implementasyon ng mga proyekto at alamin ang mga dahilan ng pagkakaantala ng mga ito.
“It is unjust for the Filipinos to still pay for inefficiencies and mismanagement in foreign loans. Our people deserve nothing less than transparent, accountable and effective stewardship of public funds. Every peso that can be saved from commitment fees can be redirected to funding pressing needs such as healthcare, education, and social services,” ayon sa representante ng CIBAC partylist.
