NEWS
Guo muling ipina-contempt ng Senado dahil sa “pambabastos”, “pagbalahura” sa bayan

Photo from rappler.com
9/9/24, 10:06 AM
Kahit naka-detine na, muling ipinakukulong si expelled Bamban Mayor Alice Guo matapos na ipa-contempt ng mga senador sa pagdinig nitong Lunes (Setyembre 9) ng pinagsamang mga komite ng Senado.
Sa pagdinig ukol sa umano’y mga ilegal na operasyon ng mga Philippine Overseas Gaming Operators sa bansa, pinaratangan si Guo ng kawalan ng respeto sa Senado dahil sa kanyang umano’y pagsisinungaling tungkol sa tunay niyang pagkatao.
“The chair cites Alice Guo or Guo Hua Ping in contempt for testifying falsely and evasively before this committee,” pahayag ni Sen. Risa Hontiveros, tagapangulo ng Committee on Women, Children, Fammily Relations and Gender Equality.
Una dito, dineklara rin ni Sen. Joel Villanueva na “binastos” at “binalahura” ni Guo ang pamahalaan at mga Pilipino dahil sa kanyang mga kasinungalingan.
Ikalawang pagkakataon nang madeklarang in contempt of the Senate si Guo na humarap na sa Senado matapos na tumakas papunta sa Indonesia at maibalik sa bansa.
Iginiit ni Hontiveros na dapat umanong madetine si Guo sa Senado bagamat ang paghuli sa kanya ng awtoridad ay nasa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ng korte.
Sa kanilang pagtatanong kay Guo, binigyan ng mga senador ang dating alkalde ng pagkakataon upang magtapat ng tunay niyang pagkatao.
Ayon kina Hontiveros at Villanueva, si Guo at ang Chinese national na si Guo Hua Ping ay iisa, base na rin sa parehong fingerprints na nakuha sa mga opisyal na travel documents ng dalawa.
Ipinilit ni Guo na hindi siya ang nasabing Guo Hua Ping ngunit ang kanyang pagtanggi ay hindi tinanggap ng mga senador na may hawak ng sapat na ebidensya galing sa National Bureau of Investigation.
Sa pagdinig, inusisa rin ng mga senador kung paano nakatakas palabas ng bansa si Guo. Inamin ng dating lokal na opisyal na sumakay siya ng yate papunta sa Indonesia.
