top of page
Flag.gif
  • Facebook
  • X
  • Instagram

NEWS

Gobyerno walang balak ipatigil ang online gambling? Panukalang buwis pinag-aaralan

7/7/25, 9:49 AM

Ni Raselle Joyce Flores

Katulad ng Philippine Offshore Gaming Operations (POGO), pagkakakitaan na lang ng pamahalaan ang mga online gambling operations sa bansa sa gitna ng protesta ng mga lider ng simbahang Katoliko at iba pang mga grupo.

Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na bukas ang administrasyong Marcos sa mungkahi ng Department of Finance na magdagdag ng bagong buwis para sa internet gaming.

Sa panukala, kailangan muna umanong magsagawa pa ng malalim na pag-aaral ukol sa magiging epekto ng online gambling sa interes ng publiko.

Matatandaang nagpahayag ng pagkabahala si Cardinal Virgilio David ng Kalookan sa masamang epekto ng online gaming sa mga pamilyang Pilipino, higit sa mga kabataan.

Dahil napakadali para sa mga indibidwal na makapag-sugal, marami umanong mga pamilya ang naghihirap at nagkakawatak-watak dahil sa pagkalulong ng mga miyembro sa sugal.

Hiniling naman ni Lanao del Sur 1st District Rep. Zia Alonto Adiong na ipagbawal na ang online gambling sa bansa.

Makaraan dito ang POGO operations sa bansa ay dati na rin legal at pinapatawan na lamang ng malalaking buwis bago ito ipagbawal dahil sa naidudulot na perwisyo sa peace and order sa bansa.

Ang mga masamang epekto ng sugal sa kabataan ang naging dahilan din ng pamahalaan upang ipagbawal noon ang online sabong operations ng negosyanteng si Charlie “Atong” Ang.

Si Ang, aktres na Gretchen Barretto at mga pulis ay kasalukuyang isinasangkot sa pagkawala at pagpatay sa higit sa 34 sabungero na nahuli umanong nandadaya sa mga sabungan ni Ang.

Sa press briefing na isinagawa sa Malacañang, sinabi ni Castro na ang panukalang magpataw ng buwis sa online gambling ay upang mabigyan proteksyon ang pamilyang Filipino.

“The president will not opposethe measure as long as there are sufficient studies supporting the implementation of such a tax,” ayon kay Castro.

Sa kasalukuyan, magpapatuloy ang mga lehitimo at lisensiyadong online gaming platforms sa kanilang operasyon subalit magkakaroon namang ng higit na mahigpit na pagbabantay laban sa mga ilegal na operator.

Comments

Share Your ThoughtsBe the first to write a comment.
bottom of page