NEWS
Duterte muling hinamon si Marcos na magpa-drug test

7/23/24, 5:23 AM
Muling hinamon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte si Pangulong Bongbong Marcos Jr. na magpa-drug test matapos kumalat ang isang video nito na ayon sa isang grupo ay kinunan habang humihithit siya ng cocaine.
Nilabas ang nasabing video sa pagtitipon sa Amerika ng grupong "Hakbang ng Maisug" na konektado sa dating Pangulo.
Sabi ni Duterte, batay sa ulat ng 24 Oras ng GMA, dapat sumailalim sa hair follicle drug test ang Punong Ehekutibo para matuldukan na ang isyu.
"Even the ordinary man on the street knows that the best way to put the issue to rest is for President Marcos to undergo a hair follicle drug test," ani Duterte.
Aniya, ang hindi pagpayag ni Marcos na sumailalim sa drug test ay patunay na totoo ang nasabing video.
Sabi pa ni Duterte, walang kinalaman ang national leadership ng "Hakbang ng Maisug" sa paglalabas ng video sa pagtitipon ng grupo sa Vancouver, Canada at Los Angeles, US.
"It was a decision made entirely by the Maisug volunteers in the said two places without the knowledge and imprimatur of the Maisug organizing committee," saad niya.
Nauna nang sinabi ng mga myembro ng Gabinete na peke at malisyoso ang video.
Inatasan na ni Interior Secretary Benhur Abalos ang Philippine National Police na imbestigahan ang nasabing video.
Hindi dumalo si Duterte at anak nitong si Vice President Sara Duterte sa State of the Nation Address (SONA) ni Marcos nitong Lunes ng hapon.
