top of page
Flag.gif
  • Facebook
  • X
  • Instagram

NEWS

DPWH SINABON SA SONA NI PBBM

7/29/25, 7:23 AM

Ni Tracy Cabrera

BATASAN, Lungsod Quezon — Sa Ika-apat na State of the Nation Address (SoNA), isa sa mga paksang tinalakay ni Pangulong Ferdinand 'Bongbong' Marcos Jr. ay ang pagsasagawa ng crackdown laban sa korapsyon at mga substandard na proyekto at tinukoy niya rito ang mga bumagsak na tulay at mahihinang public works project na pinangungunagan ng Department of Public Works and Highways sa pamumuno ni Secretary Manuel Bonoan.
Habang nagpahiwatig ang punong ehekutibo ng tiwala pa rin kay Bonoan, nangako itong magkakaroon ng mas mahigpit na pag-iinspeksyon upang matiyak na maayos at matibay ang mga imprastruktura na ipapatayo ng gobyerno habang pag-iibayuhin ding mailatag ang pagkakaroon ng contractor accountability.
Wika ni Ginoong Marcos Jr.: "Kamakailan lang, nag-inspeksyon ako sa naging epekto ng habagat at bagyong Crising, Dante at Emong. Kitang-kita ko, maraming proyekto sa flood control (ay) mga palpak at iyong iba, guni-guni lang."
Binalaan niya ang mga kawani ng pamahalaang sangkot sa pagnanakaw ng pondo mula sa kaban ng bayan, partikular na yaong mga may kinalaman sa paglagak ng budget sa flood control, na may kalalagyan sila kapag napatunayang nagkasala.
“Sa mga nakikipagsabwatan upang kunin ang pondo ng bayan at nakawin ang kinabukasan ng ating mga mamamayan, mahiya naman kayo sa inyong kapwa Pilipino. Mahiya naman kayo sa mga kabahayan nating naanod o nalubog sa pagbaha. Mahiya naman kayo lalo na sa mga anak natin na magmamana ng utang nung ibinulsa niyo ang pera,'' aniya.
Hiniling din niya mula sa DPWH na magsumite ng listahan ng mga flood control project sa nakalipas na tatlong taon dahil pakay niyang magtatag ng regional monitoring committee na siyang magsusuri sa mga nasabing proyekto upang malaman ang kasalukuyang kalagayan ng mga ito at gayun na rin kung tunay ngang isinagawa.
Sa kabila naman ng negatibong ulat sa DPWH, nagbigay naman si Mr. Marcos Jr. ng overview sa mga accomplishment ng kanyang administrasyon at binalangkas pa ang ambitisyosong roadmap para sa nalalabing panahon ng kanyang termino na nakaangkla sa poverty alleviation, economic resilience, energy access, agricultural support at education reform.
Ayon sa pangulo, kailangang kumilos ang pamahalaan ng mabilis at sapat upang makapagtala ng wastong resulta na kapakipakinabang sa sambayanan.
Binanggit niya ang nationwide rollout ng ₱20 kada kilong bigas sa pamamagitan ng daan-daang mga KADIWA center kasunod ng matatagumpay na mga pilot initiative sa Luzon, Visayas at Mindanao.
"Sa mga nagtatanong kung nasaan na ang beinte pesos na bigas? Ito ang aking tugon," kanyang pinunto.
Bukod dito, hinayag din ng punong ehekutibo ang mga peace and security gain ng kanyang administrasyon na aniya'y makakatulong sa pagpapatibay at paglago ng ekonomiya ng Pilipinas.
Pinagmakaki niyang sa ngayon ay walang
major insurgent group ang nanatiling operational sa bansa at tinuran din niya ang reintegration ng mga dating rebelde, partikular na sa Bangsamoro Autonomous Region for Muslim Mindanao (BARMM), at gayun din ang kampanya laban sa mga sindikato, trafficking ring at abusadong online platform.
“Sa wakas, wala na ring nalalabing grupong gerilya sa bansa, at titiyakin ng pamahalaan na wala nang mabubuo muli,” sabi pa sa kanyang paglalahad.
Kaugnay namang ng mga employment program ng pamahalaan para sa mga ito, hinayag niyang mahigit 13 milyon ang naligtas mula sa armadong karahasan na kasalukuyang nagbebenepisyo mula sa mga health station, silid-aralan, water system at streetlight na ipinatayo sa iba't ibang lokalidad.
Binanggit din ni Pangulong Marcos Jr. ang larangan ng palakasin at kalusugan para sa sambayanan na kung saan ay nananatiling committed ang kanyang administrasyon na palakasin ang grassroots sports, palawigin ang libreng track access at suportahan ang mga lokal na Liga tulad ng Batang Pinoy at Palarong Pambansa.
"Magbubuhos tayo ng todo-suporta sa mga palaro at mga atleta sa buong bansa. Halimbawa, ang Palarong Pambansa, at ang Batang Pinoy Games na gaganapin sa General Santos City ngayong Oktubre," kanyang pinangako.
Hinimok din niya ang mga local government units (LGU) na mag-organisa ng iba't ibang sports activity tulad ng mga kompetisyon ng palakasan, fun run at group fitness events gata ng Zumba at aerobics. Bukod dito, inudyukan din niya ang mga ito na mag bukas ng mga public park at plaza, at gawin ang mga ito na kaaya-ayang mga lugar para sa physical activity.
Isinulong din ni Marcos Jr. ang pagpapalaganap ng 'Car-Free Sunday' sa buong kapuluan na sa ngayo'y ipinapatupad na sa ilang lungsod tulad ng Kalakhang Maynila, Baguio City, Cebu City, Iloilo at Metro Davao.
"The vision for these weekly initiatives converts major roads into walkable, bike-friendly spaces, encouraging outdoor movement and reducing pollution," kanyang ikinatuwiran.

Comments

Share Your ThoughtsBe the first to write a comment.
bottom of page