NEWS
DOH nagbabala laban sa heat stroke, iba pang sakit dahil sa init

4/3/24, 3:43 AM
Ni MJ Blancaflor
Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa publiko sa mga sakit na may kaugnayan sa init tulad ng heat stroke dahil sa patuloy na pagtaas ng temperatura sa bansa dulot ng El Niño phenomenon.
Ito ay matapos mairekord ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang matataas na temperatura o higit sa 41 degrees Celsius sa iba't ibang lugar sa bansa mula Marso 28 hanggang Abril 1.
"Such temperatures can lead to heat cramps and heat exhaustion, characterized by symptoms such as fatigue, dizziness, headache, vomiting, and light-headedness," ayon sa DOH.
"Prolonged heat exposure increases the probability of heat stroke, a serious condition characterized by loss of consciousness, confusion, or seizures, which can be deadly if left untreated," dagdag pa nito.
Sa inilabas ng advisory ng ahensya, inirekomenda nitong sinumang makaranas ng sintomas ng heat stroke ay dapat na ilipat sa isang lilim at malamig na lugar at bigyan ng sapat na bentilasyon.
Maaaring tanggalin ang mga panlabas na kasuotan ng tao at dapat lagyan ng cold compress, yelo, malamig na tubig, o malamig na basang tela sa balat, lalo na sa ulo, mukha, leeg, kili-kili, pulso, bukung-bukong, at singit.
Hinikayat din ng DOH ang publiko na regular na subaybayan ang mga ulat ng temperatura mula sa PAGASA at gawin ang mga hakbang laban sa mga sakit na may kinalaman sa init tulad ng regular na pag-inom ng tubig.
Inirekomenda rin ng DOH na iwasan ang pag-inom ng iced tea, soda, kape, o alak; pagbabawas sa oras na ginugol sa labas sa pagitan ng 10 a.m. at 4 p.m.; paggamit ng proteksiyon laban sa sunburn tulad ng sumbrero, payong, at sunblock; at pagsusuot ng maluwag at magaang mga damit.
