top of page
Flag.gif
  • Facebook
  • X
  • Instagram

NEWS

DOH: Mala-trangkasong hMPV hindi malubha ngunit ituloy ang ”respiratory etiquette”

1/8/25, 9:24 AM

Bagamat hindi pa rin dapat ikabahala ang sakit na Human Metapneumovirus (hMPV), dapat pa rin ituloy ng publiko ang pagsagawa ng respiratory etiquette higit sa mga pampublikong lugar.



Sinabi ng Department of Health na kakaunti naman ang kasong HMPV at iba pang mala-trangkasong sakit sa Pilipinas sa pagpasok ng bagong taon kumpara sa parehong panahon noong 2023-24.



Sa pagtatala ng DOH Influenza-like Illness (ILI) Surveillance System, mayroon nang 179,227 na mala-trangkasong sakit noong Disyembre 31, 2024 na higit mababa ng 17 porsiyento kumpara sa naitala noong nakaraang taon.



Ang ILI ay mga kondisyon ng ubo, sipon at lagnat.



Hinikayat ng kagawaran ang publiko na mag-ingat ag sumunod sa respiratory etiquette tulad ng pagtatakip sa ubo gamit ang siko; pananatili sa bahay kapag may ubo, sipon o lagnat at madalas na paghuhugas ng kamay gamit ang sabon at tubing.


Ito ay dahil sa patuloy na malamig na Northeast Monsoon o panahon ng Amihan.



Binigyang-diin ng DOH na ang panahon ng Amihan ay maaaring humantong sa pagtaas ng mga kondisyon sa paghinga tulad ng allergy o respiratory infections.



Sa labas ng Pilipinas, ang pagtaas ng mga karaniwang acute respiratory infections, kabilang ang Respiratory Syncytial Virus (RSV) at Human Metapneumovirus (hMPV), ay iniulat ng World Health Organization (WHO) sa Disease Outbreak News nito na may petsang 7 Enero 2025. Inaasahan ang pagtaas sa panahon ng taglamig sa Tsina at iba pang mga bansa sa Northern Hemisphere.



Nilinaw din ng mga awtoridad ng China sa WHO na ang healthcare system ng China ay hindi nalulula at walang emergency declaration o response na nangyayari.




Ipinaliwanag ng DOH na ang Human Metapneumovirus (hMPV) ay hindi isang bagong sakit. Natuklasan ito noong 2001 ng mga Dutch na mananaliksik sa mga sample ng nasopharyngeal aspirate mula sa mga bata na may mga impeksyon sa paghinga na dulot ng hindi kilalang mga pathogen.



Mula Enero 1 hanggang Disyembre 21, 2024, 5.8 porsiyento o 284/4,921 (5.8%) lamangang mga positibong sample ay dahil sa hMPV.



Karamihan sa mga taong nahawaan ng hMPV ay magkakaroon lamang ng banayad na mga sintomas, na kinabibilangan ng ubo, lagnat, pagkabara ng ilong, at halak.



Ang mga bihirang malubhang kaso ay maaaring magresulta sa brongkitis o pulmonya, lalo na sa mga sanggol, matatanda at mga indibidwal na immunocompromised. Ang mga may dati nang kondisyon sa baga, tulad ng Asthma, Chronic Obstructive Pulmonary Disease (COPD) o emphysema, ay nasa mas mataas na panganib na magkaroon ng malalang resulta.

Comments

Share Your ThoughtsBe the first to write a comment.
bottom of page