NEWS
DFA ipinatawag ang Chinese envoy ukol sa “sanction” laban kay ex-Sen. Tolentino

7/8/25, 6:04 AM
Ni Samantha Fae Flores
Ipinatawag ng Department of Foreign Affairs si Chinese Ambassador Huang Xilian upang pormal na ipahayag ng gobyerno ng Pilipinas ang pagkabahala nito sa naging desisyon ng Beijing na hindi na papasukin sa anumang teritoryo ng China si dating Sen. Francis Tolentino.
Sa pasiya ng pamahalaang Tsino, si Tolentino ay pagbabawalan pumasok sa mainland, Hong Kong at Macau dahil sa kanyang umanong “egregious conduct on China-related issues” o nakababahalang pag-aasal , higit sa mga isyu tungkol sa pag-aagawan ng teritoryo ng dalawang bansa sa West Philippine Sea.
Ang naging desisyon ng DFA ay ipinarating sa media ni Palace Press Officer Claire Castro nang basahin niya ang opisyal na pahayag ni Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro.
“The DFA conveyed to the Chinese side that, while the imposition of such sanctions falls within China’s legal prerogative, the imposition of punitive measures against democratically elected officials for their official acts is inconsistent with the norms of mutual respect and dialogue that underpin relations between two equal sovereign nations,” ayon sa pahayag.
Idiniinng DFA na ang P:ilipinas ay isang demokratikong bansa na naninindigan sa mga prinsipyo ng malayang pamamahayag at malayang lehislatura.
“The Department reminded the Ambassador that as a democracy, the Philippines values freedom of expression,” ayon sa DFA.
Dagdag pa ng DFA: “In the Philippines’ adherence to the constitutional separation of powers among the three branches of government, it is the mandate of senators and other elected officials to inquire on matters of national and public interests.”
Nilinaw ng DFA na ang Pilipinas ay patuloy na tumatayo sa mapayapang pag-resolba ng mga hindi pagkakaunawaan sa pamamagitan ng paraang diplomatiko.
Hindi naman ininda ni Tolentino ang desisyon ng China na parusahan siya.
Ayon sa dating senador, itinuturing niyang “badge of honor” ang naging desisyon ng Beijing.
“No foreign power can silence me or weaken my resolve to uphold our sovereignty,” paliwanag ni Tolentino.
