NEWS
Defensor nagsalita na sa “Floodgate” expose ng 18 dating Marines

Photo from journalnews.com.ph
2/25/26, 6:27 AM
Wala umanong kinalaman si dating Quezon City Rep. Mike Defensor sa ibinulgar ng 18 dating Marines na nagturo ng mga sangkot umano sa multi-billion flood control at iba pang mga mga uri ng korapsyon sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sa panayam sa Dos Por Dos program nina commentators Anthony Taberna at Gerry Baja, idiniin ni Defensor na ang inisyatibo sa paglabas ng mga Marines ay galing kay private counsel Levito Baligod.
Ang matapang na expose ay sinuportahan naman ng ilang opisyal ng militar.
Naglabas na ng affidavit ang 18 dating Philippine Marines upang supportahan ang dati nang statement ni Master Sgt. Orly Regala Guteza ukol sa “Floodgate” irregularities na umanoy kinasasangkutan ng mga opisyal ng Kongreso at ng Ehekutibo.
“Hindi ako ang pasimuno niyan.” pagtanggi ni Defensor.
Inilarawan niyang “tahimik at dahan-dahan” ang ginawang pagkilos ni Baligod na kausapin ang mga testigo upang ilabas sa publiko ang kanilang nalalaman ukol sa bilyon-bilyong suhulan na galing sa kinitang nakaw sa flood control.
Maraming nakapansin na tila itinaon sa pagdiriwang ng 40th anibersaryo ng People Power Revolution nitong Miyerkules (Peb. 25) ang expose.
Ayon kay Defensor hindi ito sinadya sapagkat nabinbin lamang ang disclosure.
“Sana mga two weeks ago pa o one week ago pa lumabas,” dagdag niya.
Sa kanilang joint affidavit nagdeklara ang mga Marino ang kanilang naging papel sa pag-deliver ng male-maletangpera sa mga opisyal na sangkot sa flood control fraud.
Ang kanilang mga sinumpaan sa affidavit ay sumusupporta rin sa video statement ni dating Rep. Zaldy Co na nag-akusa ng pandarambong sa kanyang mga kasamahan sa Kongreso at gayon din sa Pangulong Marcos.
Sa pahayag ni Baligod sa Club Filipino, San Juan, iprinisinta ni Baligod ang daing mga Marino na nagdetalye kung paano sila tumulong mag-deliver ng mga maletang puno ng pera sa mga opisyal.
