top of page
Flag.gif
  • Facebook
  • X
  • Instagram

NEWS

Dasal ni Imee: Mga demonyo ilayo sana kay Pangulong Marcos

1/29/24, 2:40 AM

Ni MJ Blancaflor

Pinagdarasal daw ni Senador Imee Marcos na ilayo ang kaniyang kapatid na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa aniya'y mga "demonyong" nakapaligid dito.

Dumalo ang senadora sa ginanap na Jesus is Lord (JIL) Worldwide Prayer and Vision Casting 2024 sa Norzagaray, Bulacan nitong Sabado, Enero 27.

"Haplusin nawa ninyo ang puso ng aking kapatid, ang pangulo ng Pilipinas. Buksan po ninyo ang kaniyang mga mata at bigyan n’yo siya ng kaliwanagan ng pag-iisip," panalangin ni Imee.

"Gisingin n’yo po siya at ilayo sa mga demonyong nakapaligid," dagdag niya.

Hiniling din ng senador na huwag daw sanang sayangin ni Pangulong Marcos ang tiwala ng taumbayan at "huwag ipaubaya ang bayan sa mga sakim at uhaw sa atensyon."

Ipinagdasal din niya na ipaalala sa kanyang kapatid ang mga umano'y pangarap ng kanilang ama, dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., para sa bayan.

"Maging gabay niya sana ang kasaysayang humubog sa aming pamilya, pakinggan niya ang sumamo ng nakararami," ani Senador Marcos.

Walang pinangalanan ang senadora.

Samantala, ipinagdasal din niya sa nasabing event ang proteksyon ni Vice President Sara Duterte na aniya ay mapagpatawad at maalaga.

Pinanalangin ng senador ang kanyang mga kasamahan sa Senado.

Kasama ni Senator Marcos sina Senate Majority Leader Joel Villanueva, Senador Pia Cayetano at Senador Grace Poe sa taunang pagtitipon na pinangunahan ni JIL Church Founder Bro. Eddie Villanueva. #

Comments

Share Your ThoughtsBe the first to write a comment.
bottom of page