NEWS
Daan-daang TikTok employees nasibak dahil sa AI

Photo from stock.adobe.com
10/15/24, 8:22 AM
Daan-daang empleyado ng short-video platform na TikTok ang nawalan ng trabaho matapos magdesisyon ang kumpanya na magpokus sa paggamit ng artificial intelligence (AI) para sa content moderation.
Ang content moderation ay tumutukoy sa proseso ng pagsusuri, pag-apruba, o pagtanggal ng mga post at iba pang uri ng content upang matiyak na sumusunod ito sa mga patakaran ng platform at ligtas para sa mga gumagamit.
Inanunsyo ng TikTok nitong Sabado na nagtanggal sila ng daan-daang empleyado sa buong mundo, kung saan karamihan ay nagtatrabaho sa Malaysia, bilang bahagi umano ng kanilang pagsisikap upang mapabuti ang pagsuri at pag-control sa content na lumalabas sa feed ng users.
Sa kasalukuyan, gumagamit ang TikTok ng kumbinasyon ng automated detection at mga human moderator para masuri ang mga post.
"We expect to invest $2 billion globally in trust and safety in 2024 alone and are continuing to improve the efficacy of our efforts, with 80% of violative content now removed by automated technologies," ayon sa tagapagsalita ng kumpanya.
Ayon sa website ng Chinese company ByteDance na nagmamay-ari ng kumpanya, ang Tiktok ay may higit 110,000 empleyado na nakabase iba't ibang bansa.
Ang layoffs ay nangyayari rin sa panahong ang mga malalaking tech companies ay humaharap sa mas mataas na regulatory pressure sa Malaysia matapos maitala ang pagtaas ng malicious content sa social media.
Inatasan ng gobyerno ng Malaysia ang social media platforms na kumuha ng operating licence bilang tugon sa dumaraming kaso ng online fraud, sexual crimes, at cyberbullying.
