NEWS
China pumalag sa PHP60-M danyos na singil ng Pinas

7/8/24, 9:50 AM
Pinalagan ng China ang PHP60 milyong halaga na sinisingil ng Pilipinas bilang kabayaran sa mga bangka at kagamitang sinira ng China Coast Guard (CCG) nang makaharap nito ang Philippine Navy sa Ayungin Shoal nitong Hunyo 17.
Iginiit ni Chinese Foreign Ministry Spokesperson Mao Ning na ilegal ang isinagawang resupply mission ng Pilipinas sa Ayungin dahil umano nasa territorial waters ito ng China.
Naaayon sa batas at tama lang daw ang naging hakbang ng CCG para ipagtanggol ang soberanya ng kanilang bansa, dagdag pa niya.
"The Philippine vessels were carrying out an illegal resupply mission which violated China’s territorial waters and staging a provocation when stopped by China Coast Guard, who acted lawfully and rightfully to defend China’s sovereignty," ayon kay Mao.
"We urge the Philippines to stop the infringement activities and provocations, and return to the right track of properly handling differences through dialogue and consultation," pahayag din ng Chinese official.
Giit pa niya, dapat lang daw na harapin ng Pilipinas ang resulta ng mga aksyon nito sa West Philippine Sea.
Sinira ng CCG ang dalawang motorboats gayundin ang mga personal na gamit ng ilang Navy officers bukod pa sa pagkuha ng baril ng mga ito.
Nauna namang sinabi ni Defense Secretary Gilbert Teodoro na hindi nambubuyo ang Pilipinas.
"We are not provoking. We do not seek conflict," sagot niya.
"We will not back down if what is ours is illegally taken by somebody, especially a bully," dagdag niya.
