NEWS
Archdiocese of L.A. magbabayad ng $880-M settlement ng 1,353 sex abuse cases

Photo from ncronline.org
10/17/24, 3:56 PM
Pumayag magbayad ang Roman Catholic Archdiocese of Los Angeles ng hindi bababa sa $880 million para sa 1,353 katao na umano’y nakaranas ng sexual abuse mula sa mga Katolikong pari.
Ito na umano ang pinakamalaking halaga ng salapi na ibinayad ng isang diyosesis para sa kasunduang magtatapos sa mga kasong pagmomolestiya na dekada nang nangyari sa mga biktimang naglabasan para magdemanda.
Ayon sa Reuters malungkot na ibinalita ni Archbishop Jose H. Gomez ang desisyon na makipa-areglo sa labas ng paglilitis.
“I am sorry for every one of these incidents, from the bottom of my heart,” pahayag ni Gomez.
Dagdag pa niya: “My hope is that this settlement will provide some measure of healing for what these men and women have suffered.”
Marami nang mga diyosesis sa Amerika ang nag-deklara ng bankruptcy bilang tugon sa mga ipinaiiral na bagong batas sa iba’t-ibang estado ng US na nagbibigay ng karapatan sa mga biktima ng umanoy sexual abuse na magsampa ng demanda dahil sa kanilang naranasan noong mga bata pa.
Mahirap man patunayan ang umanoy mga krimen na ginawa sa kanila , biglang dumami ang mga nag-sampa ng law suits laban sa mga pari.
Ilan sa mga nag-file ng bankruptcy protection ay ang Archdiocese ng San Francisco ang diyosesis ng Oakland at San Diego.
Hindi na nakapag-deklara ng bankruptcy ang Los Angeles Diocese na nagdesisyon na makipag-areglo na lamang sa nagpaparatang laban sa mga pari.
Ayon kay Gomez ang malaking halagang ibabayad ng simbahan ay manggagaling sa cash reserves, investments at donasyon ng mga religious groups na nademanda rin.
Idiniin ng lider ng distritong Katoliko na ang guguguling salapi ay hindi lubhang makaka-apekto sa misyon nitong tumulong sa mga mahihirap at vulnerable sectors sa komunidad.
Sa isang joint statement ng mga abogado ng archdiocese at ng Plaintiff’s Liaison Counsel para sa abuse claimants, nagpasalamat sila sa mga umanoy biktima dahil sa paglalakas loob na lumabas upang magsampa ng reklamo. Ang kanilang ginawa ay makakatulong sa pag-iwas sa mga kondisyon ng pagmomolestiya, ayon sa mga legal counsels.
“While there is no amount of money that can replace what was taken from these 1,353 brave individuals who have suffered in silence for decades, there is justice in accountability,” diin ng Plaintiffs’ Liaison Counsel.
