NEWS
Alice Guo captors, dapat din italaga sa paghahanap sa biyuda ni Enzo Pastor

Photo from qa.philstar.com
10/5/24, 11:13 AM
Hinamon ng mga senior citizens na magulang ng pinaslang na international car racing champion na si Ferdinand “Enzo” Pastor ang mga awtoridad na bigyan din ng akmang pagkilos ang paghahanap sa wanted na maybahay nito na katulad din ng pagtunton kay dismissed Bamban Mayor Alice Guo.
Hinihinalang tumakas na palabas ng bansa si Dalia Pastor bago pa man nagpalabas ng arrest warrant laban sa kanya ang Korte Suprema.
Umapela sina Tomas at Remedios Pastor sa Department of Interior and Local Government na ipakita ng ahensya ang ibayong pagkilos sa paghahanap kay Dalia.
Ayon sa kanila, malaki ang pag-asang masakote si Dalia sa kanyang pinagtataguan kung ipakikita ng mga law enforcement agencies ang sipag sa pagtunton sa akusado na tulad din ng ipinamalas nila sa paghahanap kay Guo.
Matatandaang nahuli si Guo ilang araw matapos na maglayas sa Pilipinas at magtago sa Indonesia.
Sinabi ng mga Pastor na nakatanggap sila ng mga impormasyon naknakatakbo na palabas ng bansa si Dalia noon pang 2015, isang taon matapos paslangin ang kanilang anak.
“Buo ang aming paniwala na mahuhuli si Dalia upang managot sa batas kung ibayong sipag at pagtitiyaga rin ang ipamamalas ng mga law enforcement agencies,” paliwanag ng mag-asawang Pastor.
Muling binuhay ng korte ang kasong murder laban kay Dalia na ipinahuhuli sa bisa ng warrant of arrest matapos baligtarin ng SC ang desisyon ng Court of Appeals na nagbasura ng kaso laban sa biyuda.
Si Dalia at ang kanyang umanoy kalaguyo na si Domingo de Guzman III ay itinuturong mastermind sa pagtambang kay Enzo habang nagmamaneho ito ng trak sa Quezon City noong 2014.
Ang umanoy umamin na pumatay kay Enzo na si Police Officer 2 Edgar Angel ay nahaharap din sa kasong murder at attempted murder na katulad nina Dalia at De Guzman.
