NEWS
89-anyos na lalaki patay matapos ma-overdose sa Vitamin D

4/22/24, 11:03 AM
Nagbabala ang mga eksperto ukol sa pag-inom ng vitamin supplements matapos pumanaw ang isang 89-anyos na lalaki dulot ng pagkaka-overdose nito sa Vitamin D.
Sa ulat ng New York Post, natagpuang mataas ang lebel ng Vitamin D sa katawan ng retiradong negosyante na si David Mitchener nang isugod siya sa ospital noong Mayo ng nakaraang taon.
Napag-alaman nilang mayroon siyang hypercalcaemia, isang kondisyon kung saan namumuo ang calcium sa katawan dahil sa sobrang pag-inom ng Vitamin D.
Sa ulat ng Post, nasa 380 ang Vitamin D levels sa katawan ni David, na siyang maximum level na naitala ng laboratoryo.
Namatay siya 10 araw matapos maospital.
Kasunod niyan ay nagbabala ang mga myembro ng medical community sa publiko ng mga panganib na pwedeng idulot ng vitamin supplement.
Hinihikayat din nila ang regulatory bodies na isama sa mga pakete nito ang babala ukol sa overconsumption.
"There was no warning on or in the packaging detailing the specific risks or side effects of taking Vitamin D supplements," ani coroner Jonathan Stevens sa kanyang official report.
"In my opinion, there is a risk that future deaths will occur unless action is taken," dagdag pa niya.
Subalit nilinaw ni Stevens na hindi lang sobrang vitamin supplement ang maaaring dahilan ng pagkamatay ng pasyente. Maaaring dulot din daw ito ng congestive heart failure, chronic kidney failure, hypercalcemia, at Ischaemic Heart Disease.
Ngunit dahil sa high concentration ng Vitamin D sa katawan ni David, nagpaalala pa rin ang mga eksperto na dapat ay katamtaman lang ang intake ng vitamin supplements.
