NEWS
74-anyos na babae sadyang binangga ng rider na binato niya ng kahoy

3/14/24, 12:16 PM
Isang 74-anyos na babae ang nambato ng kahoy sa isang rider ng motorsiklo na nakita namang bumalik at sadyang binangga ang matanda matapos ang sagutan ng dalawa.
Bagamat natumba si Lola Renie Leano ng Vintar, Ilocos Norte, hindi naman siya nagkaroon ng sugat dahil sa pagkakabangga.
Sa CCTV footage na kuha sa Barangay Bulbulala noong Marso 6, nakitang binato ng matandang dalaga ng isang kahoy ang hindi nagpakilalang rider habang dumadaan sa kalye.
Tinamaan ang rider at nagtuloy sa pagmamaneho pa diretso sa pupuntahan ngunit maya-maya ay nakita itong bumalik upang komprontahin si Leano.
Habang nagsasagutan, nakitang sadyang binabangga ng rider ng kanyang motor ang matanda hanggang ito ay matumba sa kalsada.
Desidido umano si Leano na kasuhan ang nanakit sa kanya na lumalabas na kagawad pala ng kanilang barangay.
Marami na umanong riders ang binabato ng lola ng kahoy kapag napapadaan sa kanyang bahay ngunit ipinagkikibit-balikat na lang nila ito bilang paggalang sa matanda.
Ayon kay Leano, nagagawa niya ito dahil naiirita siya sa ingay ng mga makina ng mga humaharurot na motorsiklo kapag napapadaan sa tapat ng kanyan g bahay.
Ipinaliwanag din niya na dapat bagalan ng mga riders ang kanilang pagpapatakbo ng motorsiklo upang hindi sila maka-disgrasya.
Ngunit pinasabihan din siya ng mga kapitbahay na ang ginagawa niya ay delikado rin sa buhay ng kanyang mga binabato.
