NEWS
600K pamilya makikinabang sa payment moratorium ng housing loans

7/26/25, 8:25 AM
Ni Raselle Joyce Sabado
Mahigit sa 600,000 pamilya ang makikinabang sa payment moratorium na ipinatutupad ng mga ahensya sa ilalim ng Department of Human Settlements and Urban Development bilang tulong sa mga nasalanta ng sunod-sunod na bagyo at patuloy na ulan.
Sa isang pahayag, sinabi ng National Housing Authority na 500,000 pamilya ang nakakuha ng nasabing benepisyo na isang buwang pagpapaliban sa kanilang pagbayad sa buwanang amortisasyon ng kanilang mga housing loan.
Ang isang buwang moratorium sa pagbayad ay epektibo sa buwan ng Agosto.
Ayon sa National Home Mortgage Finance Corporation (NHMFC) umaabog sa 34,622 pamilya na may pagkakautang sa kumpanya ang makikinabang sa one-month payment moratorium.
Para sa Social Housing Finance Corporation naman, lagpas sa 148,000 pamilya na lubhang nasalanta ng magkakasunod na bagyo at habagat ang magiging benepisaryo ng pagluluwag na isinasagawa.
Ayon sa DHSUD ang moratorium sa pagbabayad sa buwan ng Agosto ay automatiko. Hindi na kailangan itong aplayan upang mabiyayaan ng pagpapaliban ng bayad sa mga pagkakautang sa mga nasabing ahensya.
Ang hindi makokolektang kabayaran sa buwan ng Agosto ay idadagdag naman sa dulo ng panahon ng pagbabayad.
Ngunit ang nasabing pagbibigay luwag ay hindi automatiko para sa mga may pagkakautang sa Home Development Mutual Fund o Pag-IBIG Fund. Sa mga nais makinabang, dapat silang magtungo sa mga sangay ng Pag-IBIG at mag-aplay.
