NEWS
47% Filipino hindi payag na matanggal si VP Sara

2/26/25, 7:59 AM
Ni Samantha Faith Flores
Hindi sang-ayon ang halos kalahati ng populasyon sa bansa sa desisyon ng Mababang Kapulungan na i-impeach si Bise Presidente Sara Duterte, ayon sa pinakahuling national survey ng non-partisan public opinion research firm na WR Numero.
Sa Philippine Public Opinion Monitor ng WR Numero, naitala na 47 porsiyento ng mga Filipino ang hindi payag sa isinagawang kilos sa Kamara na ipasibak si Duterte bilang pangalawang pangulo sa pamamagitan ng impeachment.
Ang nasabing “non-commissioned national survey” ay isinagawa mula Pebrero 10 -18, 2025 matapos na bumoto ang mga mambabatas na ipa-impeach si Duterte noong Pebrero 5.
Sa Mindanao, napansin na hindi popular ang impeachment move laban kay Duterte. May 66 porsiyento ng Mindanaoans ang kontra sa desisyon ng Mababang Kapulungan.
Samantala, 17 porsiyento lamang ang naniniwalang dapat ma-impeach si Duterte.
Sa kabilang banda, halos kalahati o 48 porsiyento ng na-survey sa Metro Manila ay pabor sa ginawa ng mga kinatawan.
Sa katanungan kung ano dapat ang maging desisyon ng Senado sa darating na impeachment hearings, 43 porsiyento ng mga Filipino ay hindi sigurado sa kanilang opinyon.
Samantala, 34 porsiyento ay naniniwala na dapat mapawalang sala ang ikawalang pinakamataas na pinuno ng bansa.
May 23 porsiyento naman ang kumbinsido na ipatatanggal ng Senado si Duterte.
May higit naman sa kalahati ng lahat ng Mindanaoans ang naniniwala na dapat mapawalang sala si Duterte subalit 42 % ang hindi sigurao.
Sa Visayas at ibang bahagi ng Luzon, hindi nakasisiguro kung ano ang magiging desisyon ng senado.
