top of page
Flag.gif
  • Facebook
  • X
  • Instagram

NEWS

15 pulis sa sabungero case “restricted”; Japan pinakiusapang tumulong sa imbestigasyon

7/4/25, 11:30 AM

Pormal na pinakiusapan ni Justice Secretary Crispin Remulla ang Japan upang magbigay ng technical assistancesa paghahanap ng mga labi ng mga sabungero na umanoy dinukot, pinatay at itinapon sa Taal Lake.

Sa panayam ng mga reporter nitong Biyernes, sinabi rin ni Remulla na 15 pulis na idinidiin sa kaso ay isinailalim na sa “restricted duty” upang masiguro ang higit na masusing imbestigasyon ukol sa kanilang pagkakasangkot o pagiging inosente.

“May restrictions na nga ang 15 tao ng PNP na involved dito sa missing sabungero case,” pahayag ni Remulla nitong Biyernes (Hulyo 4).

Ayon sa kanya ang mga pulis ay itinuturo ng mga testigo na nasa likod ng pagpatay sa mga sabungero.

Napag-alaman na ang mga biktima ay pinagdudukot umano sa iba’t -bang lugar o sa venue ng mga online sabong ng negosyanteng si Charlie “Atong” Ang.

“Restricted duty na sila. They have to report already to offices para doon na sila. Para hindi na sila makasakit,” paliwanag ni Remulla.

Sinabi rin ni Remulla na nagpadala na siya ng sulat sa gobyerno ng Japan upang tulungan ang Pilipinas makuha ang mga labi ng mga biktima sa pamamagitan ng lakebed mapping at iba pang uri ng teknolohiya nanasabing bansa.

Samantala, nakipagkita si Remulla at iba pang opisyal ng kagawaran sa mga pamilya ng mga nawawalang sabungero.

Sa kanilang mga pahayag, inamin ng mga kaanak ng mga biktiima na nabuhayan sila ng pag-asa noong nagsilabasan na sa media ang mga nagpakilalang testigo sa mga nangyaring krimen.

Naniniwala rin ang ilan sa kanila na may katotohanan ang isinambulat ni whistleblower Julie “Dondon” Patidongan, na sangkot sina Ang at aktres na si Gretchen Barretto sa insidente.

“Nananalangin kami na sana magkaroon ng konsensya ang gumawa ng karumal-dumal na krimen sa aming mga mahal sa buhay, higit sa lahat ang tinutukoy na mastermind. Sana makakuha kami ng hustisya kahit kami ay mahihirap lamang,” sinabi ni Eloisa Bohol, ina ng isa sa mga nawawalang lalaki.

Comments

Share Your ThoughtsBe the first to write a comment.
bottom of page