NEWS
‘No permit, No exam’ law pinalabnaw: Mga estudyante na-Hudas sa bicam panel

3/18/24, 9:44 AM
Photo from premiumtimesng.com
Sinisi ang bicameral conference committee ng Kongreso sa pagpapalabnaw ng ‘no permit, no exam” bill na pinirmahang batas kamakailan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr..
Bagamat hindi matukoy ni Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel kung saang parte ng legislative process ipinasok ang mga probisyong nagpahina sa batas, natiyak naman niya na ang bersyon ng Kamara ay wala ang kwestionableng probisyon.
Sinabi ni Manuel na mas malapit sa bersyon ng Kabataan Partylist ang ipinasa na bill ng Senado.
Ayon kay kanya, bigla na lamang nagkaroon ng probisyong nag-uutos sa mga estudyante na kumuha muna ng sertipikasyon mula sa Department of Social Welfare and Development upang mapatunayang mahihrap siya at hindi kayang magbayad bago ang eksamin.
Lumalabas na kung walang DSWD certification, hindi pa rin papayagan ang estudyanteng walang pambayad ng matrikula na makakuha ng eksamin.
Sa Republic Act 11984 o ang “No Permit, No Exam Prohibition Act” na pinirmahan ni Marcos kamakailan lamang, ipinagbabawal na ang pagpapairal ng “no permit, no exam” policy ng mga paaralan. Dapat payagan kumuha ng periodic o final examination ang estudyante kahit hindi pa ito nakababayad sa tuition fee.
Ngunit parehong walang taglay na DSWD certificate ang mga bersyon na naipasa ng Kamara at Senado.
Hinala ni Manuel ang probisyong naguutos ng DSWD certificate ay ipinasok sa bicameral conference committee. Bagamat principal author ng bill, hindi kasapi si Manuel sa nasabing komite.
“Nagpasok kasi ng mga provisioins na puwede pang magamit para di talaga fully ma-enjoy nating mga students and parents ang mga benefits sana nung bill,” sabi ni Manuel sa panayam sa ANC.
Bukod sa pampalabnaw na DSWD requirement, tinanggal din umano ng bicameral panel ang “monetary sanction” na dapat ipapataw sa mga paaralang lumalabag sa batas.
Sa halip, administrative sanctions na lamang ang kakaharapin ng mga may-ari at administrador ng mga eskwelahan sakaling tanggihan nila ang pagbibigay ng examine sa mga estudyanteng wala pang naibayad na matrikulasyon.
