NEWS
“Green Bones” nilimas ang MMFF awards; Trillo wagi bilang Best Actor
_2024_12_24_11_38_15.jpg)
12/28/24, 8:00 AM
Nilimas ng pelikulang “Green Bones” na naglalahad ng drama sa preso ang halos lahat ng major awards sa ika-50 Metro manila Film Festival.
Bukod sa “Best Picture”, nasungkit din ng pelikula ang “Best Actor “ para kay Dennis Trillo; “Best Supporting Actor” para kay Ruru Madrid at “Best Child Performer” para kay Sienna Stevens.
Bukod dito tinanghal din “Best Screenplay” para kay Ricky Lee at Angeli Atienza ang nasabing pelikula.
Isang produksyon ng GMA PIctures at GMA Public Affairs, ang “Green Bones” director na si Zig Dulay ang nag-uwi ng tropeo para sa Best Director. Ito na ang ikalawang award na nakuha ni Zig sa husay ng kanyang paggawa ng pelikula.
Si Neil Daza naman ang nanalo sa Best Cinematography.
Itinanghal na second Best Picture ang “The Kingdom” na sinundan ng “My Future You” at “Isang Himala” bilang third at fourth Best Picture.
Ang beteranang aktres na si Judy Ann Santos-Agoncillo ang nakasungkit ng “Best Actress” trophy para sa “Espantaho” habang si Kakki Teodoro ng “Isang Himala” ang nagwagi bilang Best Supporting Actress.
Nakuha rin ng “Isang Himala ang “Best Musical Score” para kay Vincent De Jesus; “Special Jury Prize” kasama ang pelikulang “Topakk” at ang “Best Original Theme Song” na “Ang Himala ay Nasa Puso” na isinulat at komposisyon nina Vincent de Jesus at Ricky Lee.
Nabigyan din ng pagkilala ang “Topakk” na nakakuha ng FPJ Memorial Award habang ang Gatpuno Antonio J. Villegas Cultural Award ay napunta sa “The Kingdom”.
Sa “Greenbones”, si Trillo ang pumapel bilang si Domingo Zamora na isang kilabot na kriminal na pumatay ng kanyang kapatid at anak na parehong babae. Mabibigyan na ng parole si Domingo nang ito ay pilit na pinipigil ng baguhang prison guard (Ruru) na nagluluksa pa sa pagkamatay ng kapatid na babae.
Sa pagtanggap ng Best Picture Award ni GMA Network Senior Vice President Atty. Annette Gozon-Valdez, pinasalamatan niya ang hurado at mga opisyal ng MMMF sa pangunguna ni Chairman Romando Artes.
“I also want to share this award to the other nine films in this Metro Manila Film Fest because to make a film, it takes blood, sweat and tears and resources. And talagang we really risked it all because we want to tell a story and I hope that people listen to all these wonderful, outstanding stories of these movies,” sinabi ni Gozon-Valdez.
