top of page
Flag.gif
  • Facebook
  • X
  • Instagram

ENTERTAINMENT

 

Bea Alonzo ikakasal sa may-ari ng Puregold supermarkets

Photo from News5

3/9/26, 11:00 AM

Ni Samantha Faith Flores

Tumagatinging na purong ginto sa pagmamahal ang pakakasalan ng aktres na si Bea Alonzo, ayon sa marriage banns na ipinaskel sa simbahan ng St. Peter the Apostle Parish sa Manila noong Linggo (Marso 8).

Si Puregold Price Club president at direktor Ferdinand Vincent Co ang magiging kabiyak ng puso ni Bea, ayon sa pahayag ng simbahan noong misa ng Linggo.

Sa announcement, sinabi ng isang commentator ng simbahan na ang unang marriage banns ay para sa pagpapakasal nina “Ferdinand Vincente Pe Co, 44 years old, son of Lucio L. Co and Susan Pe, residents of Paco, Manila.”

Si Ferdinand ay ikakasal kay “Phylbert Angelli Escalante Ranollo, 38 years old, daughter of Felizardo Ranollo and Mary Ann Escalante, residents of Paco, Manila.”

Ang tinutukoy na Phylbert ay ang tunay na pangalan ni Bea.

Ang pamilya ni Co ay nagmamay-ari ng Puregold chain of supermarkets.

Sina Lucio at Susan Co ay itinuturing na mga retail store magnates na karibal sa negosyo ng mga may-ari ng SM, Robinsons at Ever.

Sa marriage banns nananawagan ang simbahan na ipaalam kay Rev. Fr. Jomar J. Burgos, LRMS kung may nalalaman ang sinoman ng balakid upang hindi matuloy ang kasal.

Ang wedding banns ay ipinapaskil at inaanunsyo ng mga simbahan upang alamin kung may mga dahilan upang hindi nararapat na magpakasal ang mga nagkakasundong mag-asawa.

Wala pang pormal na pahayag ang magkasiintahang Bea at Vincent tungkol sa nalalapit nilang kasal.

Matatandaang dati nang nakatakdang ikasal ang aktres kay Dominic Roque noong Pebrero 2024.

Hindi natuloy ang nasabing kasal matapos na magpasya sina Bea at Dominic na tapusin na ang kanilang tatlong taong relasyon.

!
bottom of page