

SENIOR CARE
NCSC hinikayat ang mga senior citizens na magbuo ng mga samahan

8/28/25, 10:09 AM
Binigyang-diin ng NCSC Chairperson at Chief Executive Officer na si Mary Jean Loreche ang kahalagahan ng pagkilala at pagbibigay-akreditasyon sa mga organisasyon ng nakatatanda sa paghubog ng mga polisiya ng komisyon.
“Naniniwala kami na ang ating mga samahan ng nakatatanda at bawat kasapi nito ay maaaring mag-ambag tungo sa ating nais marating—isang mas matatag na bansa at mas magandang ugnayan sa pagitan ng nakatatanda at ng nakababatang henerasyon,” ani Loreche.
Idinaos ang konsultasyon sa pamamagitan ng hybrid na paraan at dinaluhan ng mahigit 100 kalahok mula sa Federation of Senior Citizens Association of the Philippines, mga pinuno ng Offices for Senior Citizens Affairs (OSCA), at mga kinatawan mula sa City at Municipal Social Welfare and Development Offices ng Rehiyon 10, 11, 12 at 13.
Nilinaw din ng NCSC na hindi ito direktang nagbibigay ng pondo para sa mga pagpupulong o aktibidad ng mga organisasyon. Sa halip, binigyang-diin ng komisyon na ang mga nakatatanda at ang kanilang mga samahan ay katuwang sa pagtataguyod ng bansa at pagpapaigting ng ugnayan sa kabataan.
“Ang pagtitipon na ito ay patunay ng ating sama-samang pangako na bigyang-lakas ang ating mga nakatatanda. Dapat nating tiyakin na hindi sila maiiwan, na hindi lamang nila matatanggap ang paggalang at pagkilala na nararapat sa kanila, kundi pati na rin ang kinakailangang suporta at serbisyo sa pamamagitan ng isang sistemang inklusibo, tapat, at may pananagutan,” ayon kay NCSC Regional Director Mary Jean Asum.
Pinuri naman ni Laguindingan OSCA Head Benjamin Medina ang komisyon sa pagtitiyak na naririnig ang boses ng mga nasa komunidad bago tuluyang tapusin ang mga panuntunan. Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng ganap na paglilipat ng mga tungkulin at pondo para sa mga nakatatanda mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) patungo sa NCSC, alinsunod sa Republic Act No. 11350 o National Commission of Senior Citizens Act.
“Idinadalangin namin na ang pondo mula sa DSWD ay buong-buo nang maibigay sa National Commission of Senior Citizens. Naniniwala ako na ang pagbibigay-akreditasyon ng NCSC ay magiging malaking tulong upang maihatid ang tulong at benepisyo para sa ating mga nakatatanda,” ani Medina.
Muling tiniyak ng NCSC ang misyon nito na pangalagaan at isulong ang karapatan at kapakanan ng mga nakatatanda, habang itinataguyod ang pagiging tapat, inklusibo, at ang pakikilahok ng mga stakeholder sa pagbuo ng mga polisiya at programang nakaaapekto sa nakatatandang sektor.
Ni Samantha Faith Flores

