BALITANG SENIOR
Panglalait ni Leo Marcos kay Mommy Dionesia at pamilya walang kapatawaran - Manny Pacquiao

Photo from Photo from balita.com
2/28/26, 12:50 PM
Hindi umano patatawarin ni dating senador at Philippine boxing icon Manny Pacquiao ang kilalang social media personality Norman Mangusin, alias Francis Leo Marcos dahil sa pagtawag sa 76-anyos na inang Dionesia Dapidran Pacquiao na “bakulaw”.
Inihahanda na ng mga abogado ni Pacquiao na ininsulto rin umano ni Mangusin sa pagkakalat ng mga pekeng balita na may utang sa kanya ang dating senador.
Inaasahan na isasampa ng mga abogado ang dalawang cyber libel complaints laban kay Mangusin na kasalukuyan din nakakulong dahil sa mga kasong nauugnay sa kanyang pag-vlog.
Ayon kay Pacquiao lubha naapektuhan siya at kanyang mga kapatid sa ginawang paglalapastangan ni Mangusin sa kanilang ina na wala naman ginagawa laban sa vlogger.
Sa ginawa umanong panlalait ni Mangusin, hijndi iuurong ni Pacquiao ang kaso kahit pa ito ay humingi ng patawad sa harap ng publiko.
“Ikinakalat niya na may utang ako sa kanya kahit hindi ko pa naman siya nakikita. Hindi kami magkakilala,” ayon kay Pacquiao.
“Mahirap palagpasin ang mga ginawa niyang pag-insulto sa akin at sa ginawa niyang panlalait sa aking ina,” ayon kay Pacquiao.
Samantala, ipinasok na sa city jail si Mangusin matapos na sampahan siya ng mga kaso sa inquest proceedings sa piskalya sa Paranaque City.
Ayon kay Jayrex Bustinera, spokesperson ng Bureau of Jail and Management, nasa maayos na kondisyon ng kalusugan si Mangusin nang i-turn over sa kulungan.
