BALITANG SENIOR
Mga lider seniors galit, malungkot sa pagtagpas ng PhP500 sa universal pension bill

Photo from United Senior Citizens Party-list / Facebook
3/5/26, 11:33 AM
Ni Annietha Fae Mar
Magkahalong galit at lungkot ang nadama ng mga lider senior citizens sa naging desisyon ng Committee on Senior Citizens ng Mababang Kapulungan na tagpasin at gawin na lamang PhP500 ang panukalang buwanang pensyon sa ilalim ng panukalang Universal Social Pension Program.
Mayroon din mga lider ng senior citizens association na nawawalan na ng pag-asang makatikim pa ng pensyon mula sa gobyerno.
Ang mga reaksyon na ito ay ipinarating sa Senior Times matapos na mag-desisyon ang senior citizens committee sa pangunguna ni United Seniors Partylist Rep. Milagros Aquino-Magsaysay na bawiin ang pinag-isang USP bill mula sa Committee on Appropriations.
Matapos na makuha ang bill, nagkaisa ang senior citizens panel na baguhin ang probisyon nagtatakda ng PhP1,000 para sa buwanang pensyon na matatanggap ng lahat ng senior citizens sa bansa.
Sa halip, PhP500 na lamang ang hiniling ng grupo ni Magsaysay matapos na magparating ng pagkabahala ang pamahalaang Marcos sa malaking budget na kakailanganin para sa USP.
Sa binagong probisyon ng bill, ibababa sa PhP500 ang pensyon sa unang taon at sa ikalawa at ikatlong taon ay magdadagdag ng PhP250 kada buwan.
Nagparating ng sama ng loob sina Manny Laurio, pangulo ng Tagumpay Senior Citizens Association, at sina Evangeline Lumanog at Rosita Masangkay ng Alliance of Senior Citizens dahil sa naging desisyon ng komite.
“Ma-anomalyang flood control kayang-kaya ng gobyerno. Universal pension tinitipid,” protesta ni Laurio.
Ayon kay Laurio may dahilan kung bakit nangangamba si Aquino-Magsaysay na maaaring ibasura ang panukalang PhP1,000 monthly universal social pension.
“Marami kasi sa mga opisyal natin ang walang pagmamahal sa mga senior citizens,” ayon kay Laurio.
Nagtaka naman si Lumanog sa naging desisyon ng komite na bawiin ang bill na dati na nitong inaprubahan.
Sinabi ni Lumanog: “I don’t think its fair to all senior citizens who have been waiting for the USP to take effect since it was approved.”
“Pinapa-asa ang matatanda ng isang libong piso ang ibibigay kada buwan tapos bigla na lamang kalahati lamang pala ng halaga,” deklarasyon ng ASC leader.
Para kay Masangkay, dapat maging parehas ang pamahalaan sa pagtrato ng mga senior citizens.
“Ang mga mayayamang local government unit nakapag-bibigay ng buwanang ayuda para sa mga seniors nila ngunit illan lamang LGU ito. Dapat national government naman ang magbigay para sa mga hindi nakatatanggap,” ayon kay Masangkay.
Nagkakaisa ang mga lider seniors na malaking populasyon ng mga nakatatanda sa bansa ang wala nang napagkukuhanan ng kanilang mahahalagang pangangailangan sa araw-araw, higit ang gamot at pagkain.
Malaki ang maitutulong ng PhP1,000 buwanang pensyon para sa lahat ng mga senior citizens, higit ang mga hikahos ngunit hindi kwalipikado sa kasalukuyang Social Pension Program for Indigent Senior Citizens.
Ngunit hindi lahat ay masama ang loob dahil sa nangyaring pagtakda sa PhP500 ang panukalang USP.
“Malaki na rin tulong ang Php500. Kahit iyan na lamang ang buwanang pensyon basta lahat ng seniors ay makatatanggap,” sinabi ni Melva Cristina Barnett lider senior citizens sa Quezon City.
Ito naman ang babala ni Luz Mangussad-Pine: “Tatanda din sila, mamumulat, magigising, matatauhan din ang mga iyan. Kapag butas na ang bulsa, said na ang itinabi nila, saka din nila mauunawaan ang ating ipinaglalaban.”
