

BALITANG SENIOR
Lolo, 72, kritikal nang salpukin ng rumaragasang motorsiklo; 3 riders sugatan din

6/26/25, 7:23 AM
Ni Samantha Fae Flores
Nasa kritikal kondisyon ang isang 72-anyos na senior citizen nang mabangga siya ng rumaragasang motorsiklo na may lulan na tatlong kabataang lalaki sa Koronadal City nitong Martes (Hunyo 24), ayon sa report ng pulisya kahapon.
Sugatan din ang tatlong lulan ng motorsiklo nang magtuloy ang kanilang sasakyan at salpukin ang isang nakaparadang pick-up van.
Nakuhanan ng CCTV camera ang insidente at nakitang nakasakay sa bisikleta na patawid sa kalsada sa may Barangay Topland.
Maya-maya ay biglang dumating ang motorsiklo at nahagip ang matandang lalaki.
Nagkaroon ng malubhang sugat sa ulo ang nagbibisikleta na agad itinakbo sa pagamutan sa bayan ng Koronadal.
Hindi naman gaanong malubha ang tinamong sugat ng mga lulan ng motorsiklo. Ang grupo ay galing sa pataniman ng pakwan.
Tinanggap ng pamilya ng lolo ang paghingi ng tawad ng mga nakabangga sa kanya.