BALITANG SENIOR
Lalaki 19 taon nakulong at senior citizen na ng mapatunayang inosente sa pagnanakaw

Photo from www.thesun.ie
3/18/26, 9:00 AM
NEW YORK CITY - Senior citizen na at napatunayang walang sala sa kasong pagnanakaw ang isang New Yorker na nakulong ng 19 sa 20 taon niyang sentensya dahil sa maling hatol.
Inakusahan si Kenneth Windley, 61, sa salang pagnanakaw noong 2005 matapos na bilhan ang kanyang ina ng kalan mula sa money order na hindi niya alam na nakaw.
Nasentensyahan ng 20 taon hanggang habambuhay na pagkakakulong si Windley sa kasong second degree robbery.
Kamakailan lamang binasura ng isang huwes sa Brooklyn ang naunang desisyon at hatol na ibinaba ng ibang judge noong 2007, dalawang taon matapos ang krimen.
Sa naunang desisyon, inakusahan si Windley at isa pang lalaki na umanoy pagpasok sa isang apartnment building at pinagnakawan ang isang 71-anyos na lolo na natiyempuhan nila sa elevator.
Nakuha sa biktima $485 cash at dalawang hindi pa napirmahang money orders - isang nagkakahalaga ng $542 at isa naman ay $9.
Hinuli ng awtoridad si Windley matapos na gamitin umano niya ang mas malaking money order upang ibili ng oven ang kanyang ina sa halagang $400.
Itinuro rin siya ng biktima bilang isa sa dalawang lalaki na nagnakaw sa kanya.
Inamin ni Windley na binili niya ang money order sa dalawang “hustler’ na nakaabang sa appliance store kung saan niya binili ang oven.
Ngunit ipinaliwanag niya na hindi pa siya nakagagamit ng money order.
Bagamat nakakulong nagawa pa ni Windley na alamin ang pagkakakilala sa dalawang tunay na salarin.
Inamin ng dalawa na pareho naman nakakulong dahil sa magkakasunod na pagnanakaw, na hindi nga nila kakutsaba si Windley.
Ang kanilang kumpisal ay na-record sa kanilang mga phone conversations at e-mails.
