BALITANG SENIOR
Bank transfer para sa Expanded Centenarian cash gift sisimulan na - NCSC
.webp)
Photo from aprime.io
2/9/26, 2:16 AM
Ni Ralph Cedric Edralin
Sisimulan sa unang tatlong buwan ng 2026 ang paggamit ng bank transfer system para sa cash gift ng mga benepisaryo ng Expanded Centenarian Act.
Ayon sa National Commission of Senior Citizens tinatayang ang bank transfer system ay maaring magdulot ng higit na mabisa, ligtas at maginhwang pamimigay ng benepisyong itinatadhana ng batas para sa mga nakatatandang Pilipino.
Higit na magiging tiyak na pupunta ng diretso sa mga kwalipikadong senior citizens ang mga cash gift.
Sa kasalukuyan pino-proseso ng NCSC ang pagbabahagi ng PhP100,000 para sa apat na Aeta na nagdiwang ng kanilang ika-100 kaarawan noong 2024.
Hindi pa natanggap ng mga katutubong centenarian ang kanilang benepisyo dahil hindi noon naililipat ng Department of Social Welfare and Development sa NCSC ang nasabing program.
Idinagdag ng ahensyang nangangalaga ng kapakanan ng mga senior citizens na kasalukuyan itong nakikipag-ugnayan sa Department of Budget and Management bilang bahagi ng pag-iingat sa implementasyon ng Centenarian Law.
Ayon sa komisyon, nakapamahagi na ito ng PhP2.8 billion cash gift noong 2025. Kasama dito ang naantalang distribusyon noong 2024.
Ang naging resulta ng pagkilos ay 96% budget utilization ng NCSC.
Ayon sa Republic Act 11982 o Expanded Centenarians Act, ang mga nakatatandang Pilipino na magdiriwang ng milestone birthday na 80, 85, 90 o 95 ay dapat tumanggap ng PhP10,000.
Ang mga centenarian naman ay makakakuha ng PhP100,000 pagsapit nila sa edad na 100.
