

TRUTH VERIFIER
VP Sara nagbabala sa ‘fake photo’ ng nangayat na ama sa hospital bed

7/12/25, 8:02 AM
Ni Samantha Faith Flores
Nagbabala sa publiko si Bise Presidente Sara Duterte na huwag magpapalinlang sa ikinakalat sa social media na palsipikadong litrato ng kanyang ama, si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa fake photo, mukhang gusgusin at sumobra ang kapayatan ng ipinapasang si Duterte umano. Suot nito ang isang hospital gown.
Bagamat nauna nang inamin ng pamilya Duterte na tila pumapayat ang kanilang padre de pamilya, halatang exaggerated ang fake photo.
Sa isang panayam kasama ang mga supporters ng pamilya duterte sa labas ng Scheveningen Prison sa The Hague, sinabi ni VP Sara na hindi ang dating punong ehekutibo ang nasa litrato na sinasabing sa social media na “bedridden.”
“Hindi totoo yung photo. Malamang edited iyong photo na yon. Ibang paseyente iyon,” sinabi niya.
Naniniwala ang opisyal na manipulado ang social media photo at ipinatong lamang ang litrato ng ama sa katawan ng hindi nakikilalang pasyenteng lubhang payat.
“Wala po siya sa hospital ng detention unit. Nandun po siya sa regualr wing ng detention unit,” ayon kay VP Sara.
Ipinahayag niya rin nag naglalakad ang kanyang ama gamit ang tungkod ngunit wala itong sakif.
Ipakikiusap ng pamilya Duterte sa International Criminal Court na pahintulutan silang ipalathala ang tunay na litrato ni Duterte sa publiko upang tumigil na ang mga spekulasyon tungkol sa kanyang kalagayan.