

TRUTH VERIFIER
Malacanang todo depensa kay FL: Ikinakalat na police report sa Tantoco death fake?

Ni Ralph Cedric Rosario
Nagbabala kahapon ang Malacañang na kakasuhan ang mga indibidwal na nasa likod ng pagpapakalat ng “fake police report” na naguugnay kay First Lady Liza Araneta Marcos sa pagkamatay ni Juan Paolo Tantoco, isa sa tagapagmana ng sikat na Rustan’s.
Ito ay napagalaman habang nilait naman ni Presidential Advisor for Poverty Alleviation Larry Gadon ang mga hamon kay First Lady na magsalita ukol sa kanyang umanoy naging papel sa nangyaring trahedya sa Los Angeles, California noong Marso.
Ayon kay Gadon hindi bodyguard o yaya si Mrs. Marcos ng yumaong si Tantoco kaya wala siyang masasabi tungkol sa nangyari.
Una rito, naglabas na ang ulat ang coroner ng Los Angeles county na ang ikinamatay ng 44 anyos na Tantoco ay may kinalaman sa paggamit ng “cocaine.”
Sa isang press conference, sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na may mga “obstructionists” na gumagamit ng mga minaneobrang police report upang siraan si Mrs. Marcos at ang administrasyon ng kanyang asawa, Pangulo Ferdinand Marcos Jr.
Pinabulaanan ni Castro na kasama si Tantoco sa entourage ni First Lady sa Los Angeles noon Mayo.
“Nakakahiya dahil gumawa sila ng pekeng police report. Naturingang journalist, mga dating spokespersons, hindi marunong mag-imbestiga nang sarili. Hindi sila nagiging journalist, kung hindi nagiging propagandista ng kanilang mga sinusulong na interest,” ayon kay Castro.
Bagamat hindi pinangalanan ni Castro ang tinutukoy na mamamahayag, napag-alaman na ang kolumnista at dating Palace spokesperson Roberto Tiglao ay nagpalabas umano ng isang police report na nabanggit.
Sa umanong police report, pinangalanan si First Lady bilang isa sa mga kasama ni Tantoco.
Ngunit ayon kay Castro ang bahagi ng police report kung saan may pangalan si First Lady, asawa ni Tantoco na si Dinah Arroyo at Alexa Mira ay halatang fake.