Taas-pasahe sa jeepney hindi napapanahon — Palasyo

2/24/26, 2:51 AM
Ni Tracy Cabrera
MALAKANYAN, Maynila — Hindi pa umano napapanahon ang hirit na taas-pasahe ng mga super at jeepney operator sa gitna ng pagtaas ng presyo ng langis, hinayag ng Malakanyan kahapon.
Ikinatuwiran ni Presidential Communications Office (PCO) undersecretary Clarissa 'Claire' Castro-Seechung na may umiiral nang provisional fare increase na ₱1.00 at batay sa pag-aaral ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sapat pa ito upang masakop ang fuel cost ng mga pampasaherong jeepney.
Dagdag pa ng kalihim, ayon kay LTFRB chairperson Atty. Vigor Mendoza III, mas nakatuon umano ang ilang grupo ng pampublikong transportasyon sa kampanya laban sa mga bumibiyahengcolorum kaysa sa agarang pagtaas ng pamasahe.
“Kung magkakaroon man ng dagdag-pasahe, una umanong pag-uusapan ang para sa mga bus na wala pang provisional increase,” punto ni Castro-Seechung.
Samantala, pinaigting naman ng Land Transportation Office (LTO) ang operasyon nila laban sa mga colorum. Mula Pebrero 9 hanggang 11, 353 sasakyan ang na Huli habang 107 sa mga ito ang na-impound at 246 ang isinailalim sa technical impoundment.
Nag-deploy din ang LTO ng mga K-9 unit sa mga jeepney at bus terminal at inilunsad ang Mobile Command Center para sa real-time traffic monitoring at plate verification.
Tinukoy ni Usec. Castro na ang mga programang pagsasaayos ng public transportation sector ay bahagi ng direktiba ni Pangulong Ferdinand 'Bongbong' Marcos Jr. na unahin ang kaligtasan sa lansangan para sa kapakanan ng publiko sa ilalim ng adhikain 'Bagong Pilipinas' ng administrasyon.
