May-ari ng lumubog na RoRo, mga pahinante humaharap sa kasong administratibo

2/12/26, 11:00 AM
Kasong administratibo ang isinampa laban sa Aleson Shipping Lines, may-ari ng MV Trisha Kerstin 3 na lumubog sa may dagat sa Basilan province na ikinamatay ng 52 katao noong Enero.
Pinag-aaralan pa ang mga kasong kriminal at sibil na maaaring isampa laban sa Aleson.
Inatasan ng Department of Transportation ang Maritime Industry Authority (MARINA) na sampahan ng administrative case ang Aleson at ang mga crew nito dahil sa “poor seamanship” at lack of competence.
Sinabi ni acting Transportation Secretary Giovanni Lopez na ang pagkaso ng adminstrative cases ay base sa paunang report ng Philippine Coast Guard at Marina na nagsagawa ng imbestigasyon sa aksidente.
Lumalabas sa imbestigasyon ng dalawang ahensya na overloading at kakulangan sa pre-departure safety audit ang posibleng dahilang kung bakit lumubog ang ferry boat na patungo sa Jolo, Sulu noong pasado hatinggapi nang Enero 26.
Ang kabuuang bigat ng mga pasahero at kargamento ay lumalabas na lagpas sa kapasidad ng roll on, roll-off (RoRo) ferry.
Napag-alaman din ng PCG at Marina na ang mga “rolling cargoes” na tulad ng mga trak, motorsiklo at iba pang mga sasakyan ay hindi na idinaan sa weighing bridge ng pier.
Ito ay nangangahulugang nagkaroon lamang ng pag-tantiya sa bigat ng kargamento, sinabi ni Lopez.
Napansin din na may pagkakaiba ang numero ng pasahero na nakaligtas at mga nawawala pa kumpara sa dami ng pasahero na nakalista sa manifest.
May 24 pang katao ang hindi pa natatagpuan simula ng mangyari ang trahedya.
