top of page
Screenshot_2024-09-08_193102-removebg-preview.png
Screenshot_2024-09-08_220233-removebg-preview.png
Screenshot_2024-09-08_220244-removebg-preview.png
  • Facebook
  • X
  • Instagram

Magalong: Mga negosyong hindi marunong maglinis ng paligid ipasasara

8/20/25, 7:15 AM

Ni Samantha Faith Flores

BAGUIO CITY – Binigyan ni Mayor Benjamin Magalong ng ultimatum ang mga negosyo na linisin ang kanilang mga tindahan at paligid o haharapin ang posibilidad ng pagpapasara.

“Mayroon silang limang araw para ayusin at linisin ang kanilang mga tindahan, kabilang ang harapan at paligid nito, kung hindi ay maaari silang patawan ng kaukulang parusa,” pahayag ni Magalong sa isang panayam nitong Martes.

Binigyang-diin ng alkalde na maraming establisimyento ang napapabayaan ang kalinisan ng kanilang lugar na nagdudulot ng panganib sa kalusugan at kaligtasan.

“Nakakainis makita ang maruruming harapan lalo’t negosyo ang mga ito. Sila ang nagsisilbing mukha ng ating lungsod. Dapat maging responsable ang mga may-ari sa pangangalaga ng kanilang pangunahing ikinabubuhay,” ani Magalong.

Dagdag pa niya, ang ugat ng problema ay disiplina. Umaasa siyang darating ang panahon na hindi na kailangang paalalahanan ng pamahalaang lungsod ang mga tao o magsagawa ng mga crackdown upang matamo ang isang malinis, maayos at ligtas na Baguio.

Mag-iinspeksyon ang Public Order and Safety Division (POSD) at iba pang tanggapan ng lungsod sa mga establisimyento sa kahabaan ng mga highway at sa central business district upang tiyakin ang pagsunod sa mga anti-littering ordinance at iba pang kaugnay na batas.

Ang mga lalabag ay bibigyan ng notice of violation at pagmumultahin.

Alinsunod sa Ordinansa Blg. 54-1988 na binago ng Ordinansa Blg. 59-2020, ang multa ay mula PHP1,000 hanggang PHP5,000 para sa mga indibidwal at PHP3,000 hanggang PHP5,000 para sa mga establisimyento, bukod pa sa posibleng suspensyon o kanselasyon ng business permit.

Ipinaalala rin ng alkalde sa mga residente at bisita na ipinagbabawal ng ordinansa ang pagdura, pag-ihi, pagdumi, at pagtatapon ng basura sa pampublikong lugar at daluyan ng tubig, bukod sa iba pang paglabag.

Inaatasan din ang mga may-ari ng gusaling katabi ng kalsada na maglagay ng basurahan sa bangketa para magamit ng publiko.


Photo from newsinfo.inquirer.net

Comments

Share Your ThoughtsBe the first to write a comment.
bottom of page