Karatungan hiniling para sa pinaslang na pamilyang Maranaw sa Cagayan

3/17/26, 1:33 PM
Ni Samantha Faith Flores
Nanawagan ng katarungan ang mga opisyal ng Lanao del Sur at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao para sa tatlong miyembro ng isang pamilyang Maranao na pinagpapaslang sa Cagayan kamakailan.
Sa isang resolusyon hiniling ng probinsya ng Lanao del Sur sa pangunguna ni Governor Mamintal Adiong Jr. ang agarang pagdakip sa mga pumatay kina Mutalib Amerol, Salic Almerol at Janisah Macud Amerol sa Barangay San Teresita, Lal-lo noong Marso 12.
“We also respectfully urge the local government to provide immediate assistance and support to the Amerol family during this difficult time,” pakiusap ni Adiong.
Kasama rin sa kumondena ng pagpaslang sina Lanao del Sur 1st District Rep. Zia-ur Rahman Adiong at ang Bangsamoro regional political party.
Pinatay ang tatlong biktima matapos na sila’y lokohin ng mga salarin sa bentahan umano ng ginto na nagkakahalaga ng PhP1.2 milyon.
Ayon sa Cagayan Police, nahuli na nila ang dalawa sa tatlong salariin na kinilalang sina Frederick Pascua Usana at Rodel Sabal, kapwa residente ng Barangay Leron, Buguey sa Cagayan.
Nangako naman si Cagayan Valley Governor Edgar Aglipay ng agarang tulong sa mga naulila ng mga biktima.
