top of page
Flag.gif
  • Facebook
  • X
  • Instagram

BALITANG SENIOR

Universal pension bill para sa mga senior citizens muling ihahain sa 20th Congress

Photo from smninewschannel.com

6/17/25, 10:41 AM

Ni Ralph Cedric Rosario

No retreat, no surrender!!!

Ito magkasabay na sigaw ng dalawang kongresista na muling ipaglalaban sa susunod na Kongreso ang pagpasa ng Universal Pension Bill na hindi naipasa nitong daraang 19th Congress.

Nangako sina Reps. Mila Aquino-Magsaysay ng United Seniors Partylist at Rodolfo Ordanes ng Senior Citizens Partylist na muling ihahain ang universal pension bill pagbukas ng 20th Congress sa darating na Hulyo.

“Aagahan natin ang paghain na muli ng universal upang higit pang lumaki ang tsansa na maging ganap na batas ito,” ayon kay Magsaysay.

Diin naman ni Ordanes, “Sa 20th Congress, isusumite namin ulit ito, at ang version na aming ipa-file ay ang version na inapbrubahan na ng Kamara sa third reading upang hindi masayang ang trabahong ipinundar upang maipasa ito sa plenaryo.”

Kapwa malaki ang papel na ginampanan ng dalawang mambabatas upang maipasa ang nasabing bill sa Kamara de Representante noong Mayo 21, 2024.

Si Ordanes ang tagapangulo ng Committee on Senior Citizens ng Mababang Kapulungan. Si Magsaysay naman ang walang sawang humimok sa mga kapwa mambabatas upang ipasa ang panukalang batas.

Pinangunahan pa ni Magsaysay ang malawakang rally ng mga senior citizens sa Senado at siya na rin ang humarap sa mga senador upang kumbinsihin sila na kilusan na ang panukala na nanggaling sa Kamara.

Wala umano sa bokabularyo ng dalawang mambabatas ang salitang “suko”. Kapwa nila ipaglalaban ang panukalang batas.

Bagamat naipasa sa Kamara, hindi naman inaksyunan ang nasabing bill sa Senado.

Inupuan lamang ng komite ni Sen. Imee Marcos ang bill kahit pa may panahon pa upang ito ay pag-aralan, pagdebatihan at iharap sa plenaryo para sa maipasa.

Sa naaprubahang bersyon ng bill, bibigyan ng pamahalaan ng buwanang PhP500 ang lahat ng senior citizens sa bansa na hindi kasali sa mga tumatanggap na ng PhP2,000 buwanang social pension for indigent elderly.

Comments

Share Your ThoughtsBe the first to write a comment.
bottom of page