BALITANG SENIOR
Tatlong airport personnel sibak sa reklamong “tanim-bala” ng pasaherong senior citizen

Photo from Publiko
3/10/25, 4:07 AM
Ni Ralph Cedric Rosario
Dahil sa umanong tangkang “laglag-bala” racket laban sa senior citizen na babaeng basahero, sinibak na sa trabaho ang tatlong airport personnel na pumigil sa kanya sa NAIA Terminal 3.
Ipinahayag ng bagong hirang na Transportation Secretary Vince Dizon na tinanggal na niya sa trabaho ang tatlo matapos na ireklamo ni Ruth Adel, ang 69-anyos na pasahero patungo sa Vietnam noong Marso 6.
Nag-viral ang Facebook post ni Adel kung saan niya isinalaysay ang insidente ng pagharang sa kanya ng tatlong empleyado na nagnais halughugin sa kanyang mga bagahe dahil sa umanong nakitang basyo ng bala ng baril dito.
Nasa may boarding gate kasama ang kanyang anak, inilabas ni Adel ang laman ng kanyang handbag habang kinukunan ito ng video. Nangyari ito samantalang pa-boarding na ang kanilang sasakyang eroplano patungo sa Vietnam.
Walang nakitang bala ang mga airport personnel at pinahintulutan na ng mga ito na sumakay ang mag-ina.
Ngunit hindi nagustuhan ng senior citizen ang pag-abala at tila panghihiya sa kanya ng mga taga-airport . Kinagalit din niya ang pagtatawa ng mga airport personnel sa nangyari.
“Sa totoo lang, ngaun lang ako nakaramdam ng sobrang pangmamaliit sa akin. 69 years old na ako, kung ano mangyari sa akin ay di naman nila ako sasagutin. Grabe ang nerbisyos ko sa pangyayaari at tumaas ang presyon (ng dugo) ko. Hanggang ngayon ay napapanaginipan ko pa rin ang mga pangyayari sa akin,” sinabi ni Adel sa kanyang FB post.
Inasahan ni Adel na mayroon nang pagbabago tungkol sa mga harassment ng “laglag bala” gang sa mga airport ngunit nadismaya ito nang siya mismo umano ang naging biktima nila.
“Ni hindi humingi ng paumanhin sa abala at perwisyo na binigay nila sa akin. Kapag hindi sila naturuan ng leksyon, patuloy ng mambibiktima itong mga opisyales na ito,” reklamo ng ginang.
Tinutukoy niya ang kontrobersiyal na “tanim-” o “laglag-“ bala scheme na umanoy naging racket noon ng mga airport personnel upang makapangikil sa mga pasahero.
Sa isang press conference, sinabi ni Dizon na nagbigay na siya ng direktiba kay Office of Transportation Security na tanggalin na sa trabaho ang tatlong nasangkot sa insidente noong Marso 6.
Ipinaliwanag ni Dizon na nagkamali ang tatlong personnel dahil sa halip na gumawa ng physical check ng bagahe matapos na dumaan ito sa X-ray machine, ay hinabol pa nila sa boarding gate ang pasahero.
“So may pagkukulang rin talaga ang ating mga tao dahil hinabol pa nila sa boarding gate at hindi pa nila sigurado kung sino ‘yung pasahero at anong baggage ang involved,” ayon sa DOTR secretary.
